christopher g. dela cruz
ADUANG DAGLI
1. KASAL
INIISIP mo ang nalalapit na kasal ng dati mong nobya. Engrande, batay sa iniyayabang ng hawak mong kopya ng invitation card. Sa katedral ang kasal. Mga kilalang pulitiko at mayayamang tao ang mga ninong at ninang. Sa isang tanyag na restawran ang reception. Bukod pa sa nababalitaan mong ilang baka at ilang baboy na kakatayin para sa mga kababaryong hindi makadadalo sa lugar ng kainan. Tunay ngang engrande ang magiging kasal ng dati mong nobya.

At ikaw, may papel ka ring gagampanan sa magaganap na kasalan. Totoo talagang hindi pa rin nalilimot ng dati mong nobya ang limang taong inyong pinagsamahan. Kunsabagay, pinaghiwalay lang naman kasi kayo ng tawag ng iyong paniniwala.

Tiningnan mong muli ang kopya ng hawak mong invitation card. Ipinako mo ang iyong titig sa nakatitik mong pangalan sa papel:

                Fr. Dommecq D. Jeres
                OFFICIATING PRIEST
2. DANTE: ALAALA SA TABON NG GUNITA
MABILIS na mabilis lang ang pagsisid ng mga gunita.

Ang masasabi mo lang, naging kaibigan mo siya sa bote. Panahon iyon ng iyong pagwawala. May tatak kang subersibo (rebelde). Tawag na ikinintal sa pagkatao mo ng ilan mong kamag-anak at ilan mong "matatalinong" guro. Kung bakit naman kasi noong panahong iyon, trip ng barkadahang sinalihan mo ang bumabad sa sapa ng Tabon habang nagpapaikot ng tagay. Sisid at ligo sa pagitan ng tagay---at maniniwala ba sila?---nawawalan ng epekto sa lamig ng tubig ang espiritu ng alak!

Sa sapa ng Tabon, tumayong bayani para sa iyo si Dante. Nabuburyong ka noon sa pagkasawi mo sa pag-ibig. At hatid ng damdaming iyon, naging iba ang tingin mo sa katawan ng sapa. Ito ay naging parang pintuang bukas at nag-aanyaya ng paglimot. Lutang na ang isip mo, at natutukso kang magpakupkop. Ngunit bago mo pa man nagawa ang katampalasanan, nahatak ka na ni Dante sa kalawit ni Kamatayan at naisampa sa gilid ng pampang. Kasunod niyon ang pagtatayuan ng iba pa sa umpukan at pinagsalikupan ka sa iyong pagwawala.

"Putang'na! Murit ka ba? Babae lang iyan, Tso...," narinig mong sigaw-mura sa iyo ni Dante.

At upang siguro ay maiiwas ka na gumawa pa ng anumang kagaguhan, iniupo ka nila sa umpukan ng tagay, pinaderan ka ng upo ng kanilang mga katawan, at pinagkasunduhang wala munang bababad sa inyo sa sapa ng Tabon sa araw na iyon. Resulta, senglot kayong lahat. Pero may napatunayan ka naman sa isang banda. Na hindi totoo ang sabi-sabi na hindi nagagamot ng alak ang problema. Pagkatapos mo kasing mahimasmasan sa pagkakasenglot mong iyon, alam mong may nabago na. Oo, totoo na natatandaan mo pa ang pangalan ng babaing bumigo sa pag-ibig mo, ngunit tiyak mong banyaga na ang hatid nitong kirot.

Matagal na iyon. Siguro ay mga sampu hanggang labing dalawang taon na ang nakalilipas. Marami nang nabago sa iyo mula noon. Pinatunayan ng panahon na tunay ka ngang subersibo (hindi na sa pamilya, kung hindi sa gobyerno na). At sa sakop ng mga panahong iyon, nakaeksit ka na nang tuluyan sa anino ng Tabon. Ngunit may pailan-ilan pa rin namang balita mula sa ilang kamag-anak. Asenso na raw ang Tabon. Marami nang establisimentong nakatayo (kahulugan ay trabaho). Aspaltado na ang mga kalsada. Aspaltado na maging ang paligid ng pampang na dating pook tagayan ng sinalihan mo noong barkada. At tungkol naman doon sa barkada, may iilan na gaya mo na lumayo sa Tabon at piniling sa ibang lupalop makipamuhay. May iilan din naman na gaya ni Dante na naiwan sa Tabon at patuloy na doon nakikipagsapalaran. Sa kabuuhan, lahat kayo ay nagkaroon ng pamilya, dumanas ng kabiguan at tagumpay, sinubok at pinatatag ng sigwa ng panahong lumipas. Kaya talagang isang nakagigimbal na ironiya para sa iyo ang chat sa iyo sa Facebook ng isang kakontak na kamag-anak. Natatandaan mo raw ba si Dante? Patay na raw. Nalunod raw. Nagpakalunod raw sa sapa ng Tabon. Problema raw sa pamilya. Napamura ka sa iyong pagkakanganga. At bigla… lumabo ang tingin mo sa linya ng chat box sa screen ng computer.

Asenso na ang Tabon, marami nang establimentong nakatayo, aspaltado na ang mga kalsada, aspaltado na maging ang paligid ng pampang ng sapa na pook tagayan ng sinalihan mo noong barkada. Ngunit ang nasa isip mo ay ang dati pa ring Tabon, dating pampang na pook tagayan, ang katawan ng sapa na parang nag-aanyayang nakabukas na pintuan. May problema ka (kabiguan sa pag-ibig). Natutukso kang magpakupkop sa katawan ng sapa at may pipigil---ang mga kamay ni Dante na hahatak sa katawan mo bago mo pa tuluyang maisagawa ang katampalasanan....

A, nagpapasamat ka sa kaligtasang iyon ng nakalipas, at kasabay ay pinanghihinayangan mo naman ang trahedyang ito ng kasalukuyan. Pinanghihinayangan mo… na walang Danteng umawat kay Dante nang sisirin niya ang lalim ng sapa ng Tabon.

Samantala ay tuloy ang agos ng buhay. Pagkatapos ng sulating ito, hindi ka na ulit mag-iisip pa ng tungkol kay Dante. Magsusulat ka na lang ng mga tula. Ibibilad mo ang mga kabulukan ng lipunan. Isisigaw mo ang iyak ng mga api. Ganyan lang naman kasi para sa iyo ang kahulugan ng buhay. Dapat mong alamin kung saan ka higit na may silbi. Sa dami ng problema ng mundo---kalabisan nang magpatiwakal pa....
—Posted: 7:52 AM 9/20/12 by eK! | Post Your Comment!



About the author. Manuknangan ya i Christopher G. Dela Cruz king Navotas dapot meragul ya king San Nicolas, San Luis Pampanga. Ginradweyt yang Aircraft Maintenance Technology king Patts College of Aeronautics. Mekapagpalathala neng mapilan a makukuyad a kuwentu at komiks script king magasing Liwayway; komiks at makukuyad a prosang nobeleta king publikasyong Counterpoint Publishing House Inc. Dibersiyon ne at maaadik ya king piyalung a chess. Sasalaminan ne ning piyalung a ini ing kayang pangatau: Taung bale. Tahimik. Magplanu. Mimisip. Magmasid. Susulat. Susulat. Susulat.
eK! is electronic Kabalen (http://eksite.com), a pampanga-based web-exclusive Kapampangan journal of ideas.Websilog - an open collaborative blog on kapampangan life and letters. about pampanga culture, arts, history, society, and politics.
Keni@Ngeni - your daily kapampangan media mashup: breaking news & reviews from pampanga, angeles city, central luzon, the kapampangan region, philippines & the world.
Versilog - new Kapampangan poetry.
Blogganisa - your kapampangan community blog slash guestbook slash bulletin board slash shoutbox slash forum slash post-it-note all rolled up into one meaty joint.
IndioTV - a kapampangan indie web tv.
Tiangge - shop kapampangan. support eK! by shopping from our amazon affiliate store.
Palengke - the kapampangan business and professional registry.
eKalendaryo - kapampangan events calendar.
eK! wiki - all about pampanga, philippines. profile and brief history of pampanga towns and cities: angeles city, clark, city of san fernando
eK! sponsors & partners - with passion and dedication, eK! sponsors, partners & friends support us and we encourage you to support them.