eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto "Ang mga bulaklak ay isa sa aking mga tayutay sa Diyos na nagpapaalala sa akin na ang ating mga buhay ay marupok at pansamantala lamang." – ads

NGAYON KO naunawaan na ang tinig ng Diyos ay nakapaligid sa akin... na ang Diyos ay hindi isang tahimik na Diyos. Nangungusap ang Diyos sa akin sa lahat ng pagkakataon ng aking buhay... sa pamamagitan ng lahat ng mga nakakasalamuha ko araw-araw... sa pamamagitan ng lahat ng bagay. Sa mga nakakalbong puno, naririnig ko ang Diyos na nagpapaalaala sa akin na maaari akong mamatay ng paulit-ulit at mabuhay rin namang muli. Sa mga haliging bato ng aming tahanan ay naririnig ko ang katotohanan na walang bagay na hindi mapagtitiisan at mapagtatagumpayan... maging ang mga bagyo, mga malalakas na hangin, at maging ang pagdaan at paglipas ng panahon.

Hindi ko mapigilang ihambing ang ating buhay sa isang hardin. Karamihan sa ating mga ginagawa sa buhay ay paulit-ulit, kagaya ng pag-aalaga natin sa ating mga hardin. Karamihan sa ating mga ginagawa ay lumalago na lang bago pa man natin malaman na lumago na pala ang mga ito. Iilang tao lang ang nakaaalam maliban sa ating mga may gumagawa nito. Sa katunayan, ang buhay ay tungkol sa tahimik na paglago. At ang mga naitanim natin sa isang panahon ay lumalago na lamang sa isa pang panahon ng buhay.

Tayo ay pinag-iibayo at pinalalakas tayo ng "kaluntian" ng pag-ibig ng Diyos. Lahat ng mga pagpunta't pagbalik natin ay nariyan para sa pagpapatubig ng hardin ng ating mga kaluluwa. Kung gugustuhin lamang natin.

Ang buhay ay hindi binubuhay sa isang lalagyan... kahit pa ang ating buhay-espirituwalidad. Hindi natin makikita ang Diyos sa iisang ilawan, maliwanag at walang likuan. May mga panahon sa buhay natin na ubod ng dilim. May mga pagkakataon na tigang ang ating lupa. May mga sandali sa ating paglalakbay na ang pakiramdam natin na ang ating mga buhay ay tila ba mas "kamatayan" kaysa sa "paglago." Ngunit ang maganda lang ay patuloy na lumalago ang buhay. Maaari pa nga nating sabihin na sa mga kadiliman ng ating buhay, doon tayo mas pinakalumalago.

Marami na akong mga harding nakitang lumago at natapos sa paglipas ng panahon. Naniniwala ako na ang karunungan ay sumusunod pa rin sa ritmo ng panahon ng buhay... kagaya ng pagsunod ng mga halaman sa hardin ng ating mga buhay.

Marami sa atin ang mga "taong-kuneho" na nabubuhay na lamang sa gulong ng bente-kuwatro oras. Naghahanapbuhay tayo, nakikipag-usap, tumatakbo sa maraming panahon ng ating mga buhay. Kung kailan mga retirado na ang mga tao at saka lamang nila maiisip na hindi pala tayo dapat makipag-unahan sa takbo ng panahon. Kailangan pa ring bigyan puwang ang katahimikan at pagpapahinga. Matagal na nating nakalimutan ang manatili at makinig sa tinig ng ating mga kalooban na magsasabi sa ating kung paano. Nabigo tayong maunawaan na ang bawat panahon ng buhay ay may mensaheng ipinararating sa atin. Mas gusto natin ang mga tiyak at malinaw kaysa sa mga hamon at pag-asa.

Nakasisiguro ako na ang aking Diyos ay Diyos ng panahon.

Dapat lang siguro nating matutunan na sa huli ay magiging maaayos din ang lahat, at ito maaari ang pinakasentro ng ating mga gampanin sa buhay. Kailangan nating tanggapin na ang lahat sa buhay ay bahagi lamang ng kagandahan ng buhay. Kundi, ay maaari nating malagpasan ang kung nasaan tayo sa kasalukuyan dahil lamang sa pagnanais nating marating ang kung saan... ang ating mga hardin na hindi naman sa atin.

Ang pagbalik sa ating mga "tunay na kalikasan" bilang mga tao ay siya lamang maaaring maging kapahingahan sa ating mga napapagal na kaluluwa. Ito naman ang tunay na "kalikasan" ng bawat nilalang.


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 6:46 PM 12/21/11 | More of this author on eK!
Nextnext