eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto (Isang kaibigan ang nagtanong sa akin sa email, at ang tanong niya ay ito: "Paano ba maging babae sa panahon natin ngayon?" At bilang tugon sa tanong niya, minarapat kong isulat ang sanaysay na ito. Para sa kanya at sa lahat ng mga kababaihan (lalo na sa aking ina) ang sanaysay na ito. – ADS)

SA AFGHANISTAN, pinahihintulutan na ang mga kababaihan na mag-aral sa eskuwelahan. Sa India naman, naisabatas na ang pagbabawal sa tinatawag nilang "bride burnings". Sa Ethiopia naman, ang mga kababaihan sa Africa at ang mga unang ginang ng Burkina Faso, Nigeria, Mali, at Guinea ay nagtipon-tipon para kondenahin at mag-protesta sa pagtanggal sa ari ng mga batang babae ("genital mutilation") na matagal ng gawain sa dalawapu't walong bansa sa Afrika at sa Gitnang Silangan. Sa Estados Unidos naman, ang mga kababaihan ay kasalukuyan pa ring nakikipaglaban para sa pagsuporta sa kapakanan at kapakinabangan ng mga "single mothers", para sa mga "day care programs" para sa anak ng mga naturingang "single mothers", para sa pantay na pasahod o "wage equity", at para sa pantay na suportang pinansyal sa "women’s sports" kagaya ng sa mga kalalakihan. Saan mang dako ng daigdig ngayon, naghahanap pa rin ang mga kababaihan ng kanilang tinig sa pampublikong kaganapan.

Samantala, ang mga kalalakihan sa maraming panig ng daigdig ay nagbabanta ng pangmaramihang pagpatay sa ngalan ng pambansang kasarinlan at pagtatanggol. Dalawang daan at limampung digmaan ang naganap ngayon lamang sa ikadalawampung siglo, at karamihan sa mga ito ay may kinalaman sa usaping pangrelihiyon. At ang lahat ng ito ay maliwanag na kasalanan laban sa sakramento ng buhay. Anong mali sa lahat ng mga ito? Anong mali sa atin? Nakatayo tayo ngayon sa bingit ng pagkaubos ng sangkatauhan habang ipinagmamalaki natin na hinahanap natin ang Diyos ng buhay. Ipinangangalandakan at ginagamit natin ang relihiyon bilang katwiran at pagbibigay katarungan para apihin ang iba pang mga relihiyon. May mas malinaw pa kayang katibayan kaysa sa mga ito na ang ating pagkakaiba-iba at hindi pagkakasundo-sundo ay hindi naman talaga tungkol sa relihiyon kundi sa ngalan ng relihiyon, ngunit nakaugat naman sa katwiran na lumalapastangan mismo sa tunay na diwa at kabuluhan ng relihiyon?

Ang tanong na ito ay biglang pumaibabaw sa aking isipan nang mabasa ko ang tanong na in-email sa aking isang kaibigang babae na kasalukuyang nagtuturo ngayon sa Amerika: "Anong nga bang mga handog ang maibibigay ng mga kababaihan ngayon habang kasalukuyang nakikipagbuno ang sangkatauhan sa paghahanap ng kabuluhan sa kasalukuyan at humuhubog ng isang makabuluhang kinabukasan para sa mga darating pang mga henerasyon?" Hindi ko maaaring itanggi ang kahalagan ng tanong na ito para sa mga kababaihan sa panahon natin ngayon. Noong binubuno ko pa ang ilang taon kong pag-aaral at pagbabasa ng mga aklat tungkol sa peminismo ("feminism"), naisip ko na ang lahat ng mga mapanganib at lumalalang sakit at iwa-iwarang na ayos at anyo ng mga bagay-bagay sa ating lipunan ay pawang isang payak na sabwatan lamang ng puwersa ng mga kalalakihan laban sa mga kababaihan. Ngunit sa paglipas na panahon, nag-iba ang pananaw kong ito. Nagsimula kong makita ang iba't ibang isyu sa lente ng kapangyarihan at kahinaan ng kapwa mga kalalakihan at kababaihan, kagaya ng pagkaka-unawa ko sa isyu ng pagkababae o pagiging babae at pagkalalake o pagiging lalaki. Nagsimula kong mapagtanto na ang mga isyu ng "sexism", "racism", at "classicism" ay ilan lamang mga piraso ng tela na may iisang kulay, at naglitawan ang mga ito para mapanatili ang kapangyarihan sa mga makapangyarihan. At batid ko rin na ang bawat isa sa mga isyung ito ay nag-aanak pa ng natatanging sistema ng pagpapahalaga, isang kakaibang pananaw sa pagtingin sa mundo.

At bilang sagot sa sarili kong tanong, malakas at matibay ang paniniwala ko na maraming maaaring maibigay ang mga kababaihan sa panahon natin ngayon. Mas alam ng mga kababaihan kung paano mamuhay sa buhay ng kababaang-loob, ng kapayakan, ng pagkahabag, ng pagsuko. Mas alam ng mga kababaihan kung paano batahin ang kawalan ng kalakasan para maghasik ng binhi ng pagbabago. Anuman ang mga katangian na taglay ng mga kababaihan kung bakit sila naiiba, ang mga ito ay kailangan ng mundo natin sa panahon natin ngayon. Ang matinding suliranin nga lamang na matagal ng kinahaharap at patuloy pa ring pinagtatagumpayan ng mga kababaihan ay ito: ang kanilang mga katangian, ang kanilang mga pinahahalagahan, ay hindi isinasaalang-alang ng mataas na kulturang mayroon tayo sa ating mga lipunan. Sabi ni Lynne Moberly sa kanyang akda, "In this culture, we don't value female servanthood; we don't care about niceness; we don't think things through, we force them through. If anything, what a woman is or has developed is simply overlooked. Or derided."

Mahirap na itanggi na tama ang isinulat ni Moberly. Ang totoo pa nga niyan ay naging mga pangunahing katangian ng ating mga lipunan ang pag-angkin, panlalait, at panunupil. Lahat ng bagay at maging lahat tayo ay naging pag-aari at inangkin ng isang mas makapangyarihan kaysa sa atin. Naging lalaki na lamang ang Diyos—at ang mga lalaki'y naging diyos. Marami sa mga kababaihan ngayon na sa paglipas man ng mahabang panahon ay hindi pa rin tinatanggap ang katotohanan na sila ay matagal ng ibinilanggo at ibinigti ng isang sistemang nagdidikta sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at ikilos upang maging sila ay kung ano ang nais ng sistema na maging sila at maging 'yong hindi sila. At ang kabilang panig ng pagkatao nila at ang kabilang panig ng sistema ay hindi na nagliwanag pa at hindi na pinahalagahan pa. Ang damdamin, habag, kababaang-loob, pakikipag-usap, at kawalan ng karahasan ay naging mga katangian na lamang ng mga mahihina.

Ang diwa o espirituwalidad ng peminismo ay isang bagong pananaw sa mundo. At kung ililigtas natin ang sanlibutang ito, kailangan nating linangin, pagyamanin at payabungin ang diwang ito, hindi dahil ito ay "makababae" kundi dahil ito ay makatao. At ito ay tunay na makatao. Ang peminismo ay isang sumasaklaw na perspektibo sa lahat ng realidad. At batid at talos kong tunay ang katotohanang ito sapagkat buhay na patotoo at saksi ang aking ina sa katotohanang iyan. At dahil na rin sa aking ina kung bakit nabago ang aking pananaw sa mundo, maging sa aking pananaw at pagkakaunawa kay Kristo at sa relihiyon. Tunay nga na binabago ng peminismo ang ating pananaw sa lahat ng bagay at hindi lamang ang ating pananaw sa ating pakikitungo sa mga kababaihan. Binabago nito ang ating mga pinahahalagahan at kung ano ang ating mga hinahanap sa buhay. Binabago nito ang ating pananaw sa ating pagiging tao ano man ang ating mga kasarian.

Ang kaisipang minana natin ay isang kaisipang pinayabong at pinakikilos ng katwiran—isang kalidad ng pag-iisip na kumikitil sa damdamin bilang basehan ng pagkilos at pagpapasya—at ang 'di makatwirang panghuhusga na ang mga babae at mga batang paslit ay mga "collateral damage" lamang o mga damay lamang sa kasiraan na idinulot ng pagpapayabong ng makalalakeng lipunan. Ang katwiran sa lipunang ating ginagalawan ay nagagamit para sa malamig at mapanukat na pag-iisip na ang kalakasan at kapangyarihan ay tama at ang damdamin ay tanda ng kahinaan at pagkatalo. Ngunit ang damdamin lamang ang nagbibigay ng katiyakan sa ating tunay at ganap na pagiging tao at hindi ang katwiran. Ang damdamin ang nagbibigay ng lakas sa atin upang hindi natin makalimutan ang sakit at paghihirap upang hindi tayo maging dahilan para sa mga sakit na ito. Ang damdamin ang humihimok sa ating kumapit sa pag-ibig upang hindi tayo maging taksil sa pag-ibig na ito. Ang damdamin ang nagbibigay ng linaw para sa isang pangitain ng isang magandang daigdig na patuloy na nabibiktima ng poot at kayabangan ng mga kalalakihan. Ang damdamin ang tatak o marka ng diwa at espirituwalidad ng peminismo. Ika nga ni Sheryl Nicholson sa kanyang diary entry, "Gifts of the heart are what memories are made of." Sa aking palagay, ang alaala ang unang biktima ng sakuna ng isang mapanlinlang at mapanupil na mundo ng mga kalalakihan.

Nais kong isipin na tanging ang mga bagay lamang na nakaaantig sa puso ang mga nakapananahan sa isip. Ang alaala ay binubuo ng mga kung ano ang nakaantig sa ating mga buhay. Ano kaya ang maaari nating gawin sa mga damdaming bumabara sa paglaya ng ating mga kaluluwa?

Sa palagay ko'y panahon na para magpakawala ng damdamin sa sanlibutan.

Panahon na nga marahil upang bigyang puwang at halaga ang mga pagpapahalagang peminismo at upang maging kapwa ganap na mga nilalang na kababaihan at kalalakihan. Panahon na upang bigyan ang mga kababaihan—ang kalahati ng sangkatauhan, ang kabilang mukha ng Diyos—ng malaking puwang sa kaligtasan ng ating mga relihiyon at mga lipunan. Panahon na rin upang pahintulutan ang mga kalalakihan na maging malambot ang mga puso, na maging mahabagin, na maging mabababa ang kalooban, at na huwag matakot na maging marupok sila. Panahon na para sa mga kababaihan, ang mga tagakanlong ng buhay, na dalhin sa sanlibutan ang diwa at espirituwalidad ng peminismo na kinukulang ang mundo. Panahon na para sa mga kababaihan na gampanin at akuin ang mas maraming responsibilidad nila para sa pagpapanatili ng buhay ng daigdig kagaya ng kanilang ginagawa sa kanilang pagsisilang sa buhay ng mundo. At ang kabiguan na magawa ng mga kababaihan ang lahat ng mga balikating ito ay kagaya na lamang ng magiging pagsilang ng mga kababaihan sa isang lipunang makalalake upang supilin ang isa pang umiiral na kaparehong lipunan.

Ang tanging pag-asa ng ating lipunan at ang kaligtasan ng ating daigdig ay nakasalalay sa pagpapalaya sa ating mga sarili sa mga limitadong papel at gampanin na idinidikta ng ating mga kasarian.

Ito, sa aking palagay, ang sagot sa tanong ng aking kaibigan kung paano ba ang maging ganap at makabuluhang babae sa panahon natin ngayon.


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 7:58 AM 9/12/11 | More of this author on eK!
Nextnext