eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto ANG SINING at ang moralidad ay matagal ng tinatalakay ng mga dalubhasa sa iba't ibang larangan at aspeto ng dalawang pwersang ito sa buhay ng isang makabuluhang lipunan. Ipinaghambing na at iniugnay na ang dalawang ito sa bawat isa bilang mga malakas na pwersa sa buhay ng tao.

Napakaraming tanong ang maaaring magsalimbayan at magbanggaan sa pagsasalpukan ng sining at moralidad. Kagaya halimbawa ng mga sumusunod:
–Kailangan bang panghimasukan ng moralidad ang sining?

–Hanggang saan nga ba dapat ang maging kalayaan ng isang alagad ng sining sa kanyang mga obra?

–Sino nga ba ang may huling pasya kung alin ang dapat na manaig sa pagsasalpukan ng dalawang pwersang ito?

–Alin nga ba sa dalawang pwersang ito ang mas dapat na manaig at mangibabaw sa kanilang pagniniig?

–Kailangan nga bang maging malaya ang bawat isa sa puder ng isa't isa?
Sa akda ni Plato na "Republic", nakita ni Plato na ang silbi ng aktor ay isang kasinungalingan lamang na nagpapakita ng isang mapanganib na ilusyon ng realidad, at minamaskarahan nito ang katotohanan ng pagpapanggap ng pag-arte. Samantalang si Aristotle naman, sa kanyang akdang "The Poetics", ay nakita ang silbi ng isang aktor sa naiibang pananaw, at minungkahing sa pamamagitan ng pagsaksi ng mga manonood sa isang pagganap ukol sa awa at takot (sa pananaw ng isang manonood sa kabuluhan ng trahedya) sa entablado, maaaring maranasan ng mga manonood ang isang karanasan ng pagpapalaya sa damdamin at paglilinis ng kaisipan dala ng isang masidhi at madamdaming karanasan na may kinalaman at kaugnayan sa mga totoong pangyayari, trahedya man ang mga ito o katatawanan, kabiguan, tagumpay at iba pa, na hindi na kinakailangan pang maranasan ang mga nasabing iba't ibang uri ng mga pangyayari sa tunay na buhay ng mga manonood.

Simula noon, ang pagsasalpukan ng dalawang puwersang ito, ng sining at ng moralidad, lalo ng sa mga may pananaw na ang sining ay may tahasang epekto sa moralidad, at ng mga nasa kabilang bakuran na nagpipilit igiit na ang sining ay may sariling kalayaan at kasarinlan, ay nanatili nang isang hindi matapus-tapos na usapan sa iba't ibang sector ng lipunan. Hindi kumbinsido si Tolstoy sa tunay na gamit ng isang alagad ng sining (sa kabila mang isa si Tolstoy sa mga alagad ng sining). Sa kanyang obrang "What Is Art?", kinastigo ni Tolstoy sina Shakespeare, Goethe, at Wagner sa pagkabigo nilang maipahayag sa kanilang mga obra/katha ang mga payak na katotohanan tungkol sa moralidad (sa pananaw na rin ni Tolstoy), bagkus ay pinili daw ng mga nasabing alagad ng sining na ipagyabang lamang ang kanilang mga kagalingan sa panulaan. Nakita ni Tolstoy ang obra ng mga nasabing manunulat bilang mga hindi katanggap-tanggap sa moral na aspeto, at isa lamang epektibong pagsasayang nga ng kanilang mga kakayahan at kagalingan sa nasabing larangan: sa panulaan. At ito'y dahil na rin sa sinasabi ni Tolstoy na pagkabigo nina Shakespeare, Goethe, at Wagner na ipahayag sa publiko sa pamamagitan ng kanilang mga obra ang moral na katotohanan.

Simula pa noong huling bahagi ng Ikalabing-Siyam na Siglo, sa paglago na rin ng sining bilang isang kultural na konsepto, ang debate o pagtatalo tungkol sa sining at moralidad ay lalo pang mas naging masidhi, sabihin pa ang pagpalaot ng mga alagad ng sining sa mga kanilang mga naghahamong mga gawain na umani ng mga reaksiyon mula sa mga may pananaw na ang sining ay isang makapangyarihang impluwensiya para sa kabutihan at kasamaan. At ang reaksiyong ito ay nanatili na magpasahanggang ngayon.

Inakusahan ni John Ruskin si Whistler ng pagsasaboy ng pintura sa mukha ng mga manonood, at marami sa mga obrang sayaw na ballet ni Diaghilev, ay umiskandalo sa mga manonood dahil sa mga nagsusumigaw na paksang sekswal ng mga sayaw na ito.

Nagharap sa korte sina Ruskin at Whistler. Ngunit noong 1061, ang isa sa mga pinakatanyag na labanan sa korte sa pagitan ng sining at moralidad ay naganap nang ang Penguin Books ay inihabla dahil sa paglalahatla nila ng nobela ni D. H. Lawrence na "Lady Chatterley's Lover". At isa pang katulad nito ay matagumpay ding naihabla ni Mary Whitehouse ang isang lathalaing Gay News sa ilalim ng tinatawag na "blasphemous libel laws."

Sa isang kulturang popular, ang pornograpiya o paghuhubad (kung titignan ito sa makasining na pananaw) ay ginagamit bilang isang halimbawa ng pagpapababa sa estado o imahen ng mga kababaihan, at ang mga madugo o bayolenteng pelikula ay tinawag na isang impluwensiya para sa panggagaya ng mga manonood sa kanilang mga tunay na buhay. Isang halimbawa rito ay ang "Hungerford Massacre", na kung saan ang isang sandatahang lalaki ay tinuringan ng mga mamamahayag na naimpluwesihan ng seryeng pelikula ni Sylvester Stallone na "Rambo".

Noong Setyembre 2001, ilang araw lamang matapos ang atake sa World Trade Center, ang isang German na kompositor na si Karlheinz Stockhausen ay nagsabing ang atakeng ito ay ang pinakadakilang obrang sining ni Lucifer. At ang pahayag na ito ni Stockhausen ay inintindi sa maling konteksto, at dahil dito ay umani ito ng madaliang tugon at mga reaksiyon mula sa mga mamamahayag na sadyang masisidhi at nag-aalab. Nakita ng karamihan na ang sining sa paglilingkod nito sa moralidad ay mapanganib.

Sa limitadong aspeto ng Pilosopiya, ang tiyak na naturalesa ng sining bilang kaugnay ng moralidad ay matagal nang kinuwestyon at pinagtatalunan. Ang iba'y hindi makakita ng ugnayan sa pagitan ng sining at moralidad (ang ibig sabihin ay ang obrang sining, bilang isang hindi katanggap-tanggap sa moralidad, ay hindi kailanman kailangang mapagkaitan ng estadong makasining; hindi ito nawawalan ng makasining na halaga gaano man ito nakikitaan ng kawalan ng estetikong valor ng ibang tao). Samantalang ang iba naman, na hindi pa nakapaglalayag sa daang Platoista ng "Republic", ay sinalungat ang kaisipang ito at nagpahayag na ang ugnayan ng sining at moralidad ay pinag-uugnay ng tinatawag sa Pilosopiya na "supervenience". Sa pananaw na ito, ang argumento ay nagpapahayag na ang pinakakabuluhang sangkap ng pagbuo ng isang obrang sining, ang sangkap ng pagiging isang tao, ay nagkakaroon lamang ng saysay kung ito ay kukunin na kaakibat ng pananaw ng moralidad na namamahala sa sangkatauhan.

Ngunit sa kabila ng mga iba't ibang pananaw tungkol sa pagsasalpukan ng dalawang puwersang ito sa lipunan, naitatanong pa rin ng iilan kung dapat nga bang pag-awayin ang sining at ang moralidad imbes na hanapan ng paraan upang mapagkasundo at magkatulungan ang dalawang puwersang ito upang iangat ang estado, uri, at kalidad ng bawat isa nang hindi niyuyurakan ang saysay ng kapwa pwersa. Isa lang naman ang dapat munang masagot na tanong bago pa man tangkaing sagutin ang inihayag na tanong ng mga iilang nag-iisip sa tensiyong ito sa pagitan ng sining at moralidad. At ito 'yon: paano mangyayari ang makabuluhang mungkahing ito?

Ang tanong, sa aking palagay, ay mas mag-iiwan pa ng mas maraming tanong kaysa sa sagot, mas maraming pagtatalo kaysa sa pagkakasundo. At kung ganito ang mangyayari, hayaan na lamang natin na siguro ang buhay at kasaysayan ang magresolba sa tensyong ito sa pagitan ng sining at moralidad. At sa isang radikal at progresibong pananaw, mas gugustuhin ko na ring nakikita ang isang lipunang nagbabangayan sa ilalim ng isang diwang makabuluhan at nagpapalago ng kaisipan at pagyabong ng damdamin kaysa sa isang lipunang pinagbubuklod ng walang kabuluhang kapayakan at pagkakaisa.

Nais kong tapusin ang sanaysay na ito sa mga pangungusap na nabasa ko sa isang libro ni Robert Fulghum. Sabi niya:

"Good ought to be good—evil ought to be evil—and you can't be an artist if you don't know which is which and on what side you must come down. An artist should strive (always) to be useful."

At sa mga pangungusap na 'yan, ang tangi ko lang masasabi ay "Siya nawa!"


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 9:35 AM 8/31/11 | More of this author on eK!
Nextnext