eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto MULA SA kalayuan tanaw mo ang isang larawan ng isang munting paraiso: papalubog na araw sa harapan ng isang malawak na karagatan, isang mahabang tulay, mga puno't halaman sa tagiliran na nagbibigay ng magkakahalong kulay bughaw—mapusyaw na pula, malamig na luntian, at maliwanag na kulay abo—at ang dalawang nilalang na kapwa naghahanap ng isang pagkakataon para sa isang napakahalagang bagay na mas totoo at mas mahalaga kesa sa nararamdaman nila.

Magkatalikuran sina Laham at Atnis. May gitara sa kandungan ni Atnis, na magsisimulang tumugtog at umawit. Damang-dama ang nag-uumapaw na damdamin mula sa pagkanta niyang para bang huling kanta na lang niya 'yon, habang si Laham naman ay nakapikit lang at parang inaari ang bawat himig sa kantang naririnig sa kasama. Hindi ba sila isang larawan ng mga kaluluwang nagmamahalan nang wagas, na parang ngayon lang ulit nakatagpo ng pagkakataong tumakas mula sa isang mundong hindi nila parehong maintindihan, dahil pakiramdam nila ay masyado nang sinasadya ang buhay nila sa mundong nilisan nila sumandali? Ngunit sana nga ay sila ang larawang ito. Sana.

Pagkatapos ng kanta ni Atnis, para namang may dapat magsimula. Isang simula na tila ba ayaw humanap ng wakas ngunit hindi rin naman mapipigilan ang pagtatapos. Ilang saglit lang matapos ang simula nito.

"Pa'no mo ba talaga malalaman na in-love ka?" tanong ni Laham na para bang sa pagkakatanong n'yang 'yon, eh, ikamamatay n'ya kapag hindi ito nabigyan ng kasagutan.

"Grade school ka?" nang-iinis at naiinis na sagot naman ni Atnis. Patuloy pang pang-aasar niya, "Ilang katol na naman ba ang tinira mo kagabi at nagkakaganyan ka na naman? Sabi ko naman sa 'yo na babaan mo na ang dosage mo sa katol, eh. Subukan mo naman ang posporo!"

"Alam mo, Atnis, kung hindi lang kita mahal, inihulog na kita sa tulay na 'to, eh. Ang lupit mong mang-asar!"

"Eh ikaw naman kasi, eh! Walang kaabog-abog ka na lang babanat ng mga tanong na daig mo pa ang bangag, eh! Tapos, ako pa ang tinanong mo tungkol sa bagay na 'yan! 'Di ba para kang nakakaloko?"

"Eh bakit ba kasi ayaw mong subukang ma-in love ulit? Sa lahat ng babaeng nakilala ko, wala kang ka-love-love sa katawan! Baka naman tomboy ka, hindi mo lang pala alam? O kaya dine-deny mo lang?"

"Alam mo, personalan na 'yan, eh! May galit ka yata sa akin? Sabihin mo na lang nang diretsahan! Hindi 'yong dinadaan mo sa mga nakababagot at bobong tanong ang galit mo! "

"Ito naman, balat sibuyas ka! Biro lang 'yon! Ang galing mong mang-asar pero ang dali mo namang maasar."

Patlang. Isang patlang na hindi muna dapat magtagal, dahil may nagmamadaling kasunod na mga sandali na punong-puno ng laman.

"Haaaay, Atnis. Sana palagi na lang ganito, 'no?"

"Bakit? Ano namang meron sa ganito ngayon?"

"Ang ibig kong sabihin, ganito—'yong malayo sa tunay na mundo, malayo sa ingay at kaguluhan ng sanlibutan. 'Yong ..."

"Umandar na naman ang pagiging makata mo! Hopeless romantic ka nga!"

"Hoy! Hindi, ah! Romantic, oo, pero hindi hopeless! Ikaw nga 'tong sa tingin ko, eh, hopeless na!"

Katahimikan. Isang hindi sinasadyang katahimikan, pero sandali lang ulit 'to—ngunit mas mahaba sa nauna, dahil may kailangan pa ring magpatuloy.

"Atnis, bakit ba hindi mo subukang magmahal ulit at bumalik sa tinakasan mong mundo? Pa'no mo malalaman kung handa ka na ulit kung hindi mo susubukan? At saka, natatandaan mo ba 'yong sinabi ko sa 'yo dito no'ng nakaraang taon? Hindi darating 'yong panahon na handang-handa ka na ulit para sa isang bagay na, sa palagay ko, ay hindi naman pinaghahandaan kundi mas binibigyan ng pagkakataon—mas isang sugal, kesa sa isang sadya lamang."

"Alam mo, Laham, kaya siguro hindi ka sumikat at nagtagumpay bilang isang writer dahil masyadong makata ang mga salita mo. Hindi na gagap ng masa 'yang ganyang mga tirada sa pananalita, eh. Mabuti at iniwan mo agad ang pagsusulat para sa isang bagong misyon, dahil kung hindi ..."

"Huwag mong baguhin ang paksa, Atnis. Hindi 'to tungkol sa akin. Tungkol 'to sa 'yo. Patulan mo 'yong isyung sinabi ko sa 'yo. Kasi isyu mo 'yon, kaya dapat hinaharap mo at hindi mo iniiwasan. Bente-otso ka na ..."

"At ikaw, trenta'y dos ka na! So ...? Alam mo, Laham, ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na ayaw ko nang mangyari ang isang bagay na 'to sa buhay ko na hindi ko kontrolado ang mga bagay-bagay. Nasaktan ka na ba, Laham?"

"Oo naman! Lahat naman siguro, 'di ba?"

"Gaano kasakit, Laham? Natatandaan mo pa ba? Nararamdaman mo pa ba kahit paminsan-minsan lang? Anong pakiramdam, Laham, kapag dinadalaw ka ulit ng sakit ng karanasan na 'to: na pumalpak ang isang bagay sa buhay mo na gustong-gusto mo sanang magtagumpay? "

"Alam mo, Atnis ..."

"Laham, ayaw kong malaman dahil ayaw kong may maramdaman ulit pagdating sa bagay na 'yan. Sa tingin mo ba, sa edad kong ito, hindi ko pa alam? Pero 'yon nga 'yon, Laham, eh. Kasi alam ko na nga ang pakiramdam, kaya ayaw ko na!"

"Kaya tinakasan mo ang lahat-lahat?"

"Huwag mo nang puwersahin ang isyu, Laham. Baka manghina ka lang. Basta, 'yon na yon! Ayaw ko na!"

"Kahit sa akin, aayawan mo pa rin 'yon?"

"Nagpapatawa ka ba? Kasi hindi nakakatawa, eh. Pero pwedeng pagtawanan 'yong sinabi mo."

"Ewan ko sa 'yo! Kahit kelan, KJ ka!"

Papalahaw ng tawa ang dalawa. Tawa na hindi rin sinasadya, pero nananadya at nagbabadya ng higit pa sa nakakatawang sandaling 'yon, na sana ay mas magtagal pa kesa sa tawanan nilang dalawa.

"Alam mo, Laham, matagal-tagal na rin tayong hindi nakakatawa ng ganito."

"Oo nga, eh. Kaya nga kahit hindi naman talaga nakakatawa, natatawa pa rin tayong pareho. Siguro nga dahil hinahanap na rin ng diwa natin 'yong maging masaya naman kahit sandali lang."

"Tama ka. Dahil pagbalik natin sa mundo natin, balik na rin ulit tayo sa napakaraming bagay na humahadlang sa mga iilang bagay na hindi natin gustong sinasadya."

Matapos ang pangungusap na 'yon ni Atnis ay nasundan ito ng katahimikan. Para bang ito ay isang nakikialam na tayutay ng isang kuwento ng dalawang kaluluwang pilit na naghahanap ng isang malayang pagkakataon para sa isang biyaya na nais nilang mangyari nang hindi sinasadya. Tayutay ng isang kuwento na hindi mo mawari kung sinasadya ba o hindi ang mga pangyayari at maging ang pagkaka-kuwento nito. Ni hindi mo nga malaman kung sino ang nagkukuwento, kung saan at paano ba talaga nagsimula, at kung paano at kailan rin magtatapos. Isang kuwentong mas pinili lang magkuwento kesa sa sumunod sa mga batas ng pagsusulat ng isang kuwento. Parang pag-ibig na hinamak ang lahat ng batas, para makalaya.

Ngunit malaya nga ba talaga?

Maghaharap ang dalawa, na kanina pa magkatalikuran at hindi man lamang natinag sa posisyon nilang iyon. Tila ba isa itong pahiwatig na may kailangan na silang harapin. Tungkol sa ilang mga bagay na hindi pa rin nila maintindihan, kung sinasadya ba talaga nilang mangyari o hindi. Mga bagay na 'sing hirap intindihin ng kanilang mga pangalan, na halatang sinadya at pinaglaruan lang kung kaya't nabuo ang mga ito.

"Akalain mo, 'no? Limang taon na tayong magkakilala at limang taon na rin nating ginagawa ito?" sentimental na bitaw ni Atnis.

"Pero ano nga ba 'tong ginagawa natin? May katuturan ba? May pinupuntahan ba?" bawi ni Laham.

"Eh kung wala—bakit pa natin ginagawa? Bakit patuloy tayong nagkikita dito for five years na?"

"Kasi sinasadya natin, Atnis. At alam nating pareho 'yon."

"'Yon na nga eh! Alam nating pareho. Pero kung talagang alam natin, bakit tayo pumapayag, kahit pa sinasadya? Bakit natin hindi tinututulan ang pagkakataong ganito, for five years, Laham, for five years na?"

"Hindi ko rin alam, Atnis. Hindi ko alam. At kung alam ko man, takot din akong magpalagay sa mga kasagutang baka ako lang ang may mga palagay no'n, sa mga kasagutang baka ako lang ang gustong sumagot."

"Then that answers all your questions, Laham. May mga bagay sa buhay na hindi na mahalagang malaman pa kung may katuturan ba o wala. Hindi na rin mahalaga kung may pinupuntahan bang direksiyon o wala, at hindi na rin mahalagang masagot pa kung tungkol ba saan at kung ano ba talaga 'yon. Tama na 'yong alam mo na nangyayari ito at patuloy na nangyayari ito sa kahit ano pa mang dahilan meron sa pangyayaring ito."

"Feeling mo writer ka ngayon?"

"Hindi. Feeling ko ako ang pari ngayon. Bakit, masama? Eh 'di kung gusto mo ikaw naman ang magdasal para feeling madre ka naman."

At saka nagtawanan ulit ang dalawa. Ang dalawang iisa lang ang paksa ng mga buhay—kung iisipin mo lang nang mabuti.

Naturalmente, kagaya ng apat na taong lumipas na lang nang basta, natapos at lumipas ulit ang mga sandaling iyon ng kanilang ikalimang taon na pagtakas sa kanilang kani-kaniyang mundo, na kung tawagin nila ay mundo na masyadong sinasadya. Ngunit may kaibahan ang ikalimang taon na 'yon ng kanilang sumandaling pagtakas. Kapwa na nila alam at batid ang isang katotohanang kahit anong pilit pa nilang iwanan, iwasan, at takasan ay talagang hindi na nila ito matatakasan pa—dahil kahit man lang sa isipan ng bawat isa sa kanila ay mananatili't mananatiling naroroon ang mahalagang damdaming iyon, na siya rin namang nagbubuklod sa kanilang mga isip ngunit pumipigil naman at gumigiba sa kanilang mga damdamin.

Magkatalikuran ulit ang dalawa. Isang larawan na kapwa na nila alam at sinasabi sa bawat isa na, "Balik na tayo sa dati ..."

"Tara na, madilim na. Hindi tayo nakapagdala ng ilawan."

"Teka lang, Atnis. Isang kanta lang."

Hindi naman tumutol si Atnis sa hiling na ito ni Laham. At nagsimulang tumugtog si Laham at inawit ang isang kanta, habang si Atnis naman ngayon ang umangkin ng bawat himig na kanyang naririnig mula sa musika ng awitin ni Laham.

*

Isang taon na ang lumipas mula nang huli silang magkita at magkasama. Kapwa abala ang dalawang kaluluwa sa mga bagay na masyadong sinasadya sa mundo nila. Walang nagparamdam sa kanilang dalawa hanggang sa dumating muli ang dapat sana ay petsa ng kanilang muling pagkikita at pagsasama. Ngunit sa halip na isa muling pagkikita at pagsasama ang mangyari ay kapwa napagpasyahan nila—nang hindi sinasadya —na hindi na lang pumunta sa lugar na pinagtatakasan ng kanilang kani-kaniyang mundong masyadong sinasadya, at sa halip ay isang liham na lamang ang kanilang maging paraan ng pagkikita at pagsasamang muli, na ngayon nga ay kapwa nila hindi sinasadya, na sa ganitong paraan nila mas nanaising isakatuparan ang muling panandaliang pagtakas nila sa kanilang kani-kaniyang mundo, at pag-isahin ito sa pamamagitan ng kanilang kani-kaniyang liham sa bawat isa.

At narito nga ang mga liham ng dalawang kaluluwang pilit na paulit-ulit na panandaliang tumatakas sa kani-kaniyang mundo, na pilit din naman nilang paulit-ulit na binabalikan pagkatapos nga nilang paulit-ulit itong takasan.

*

Laham,

Hindi ko alam kung bakit alam kong hindi ka rin pupunta ngayon sa mundo na ating naging kanlungan sa loob ng limang taon, sa isang paraiso na ating naging takasan mula sa mundong sobrang dami ng mga sinasadya. Pero alam kong tama ang pakiramdam kong ito. At tama na rin siguro ang naging pasya nating ito na sa pamamagitan na lamang ng isang bagay na hindi natin parehong sinasadya idaan ang isang napakahalagang bagay para sa ating mga kaluluwa ..., para sa ating pagkatao.

At para patunayan ang bigat ng halaga ng bagay na 'to sa aking kaluluwa, hayaan mong ihayag ko sa 'yo ang aking tunay na damdamin na alam kong alam mong sa 'yo ko lang maaaring ilabas nang
zona libre, dahil alam mo na naman na ...

"Tanging Ikaw"

Ikaw na nga
Ang tangi kong pangarap
Ikaw lamang
Ang nagbibigay saya
Sa buhay kong minsan ay gulong-gulo
Ikaw lang ang hinahanap ko
Kahit minsan ay 'di ka nawala

Ikaw na lamang
Ang nais kong makasama
Sa buhay kong paulit-ulit lang
Ikaw ang nagpapatawa sa 'king puso
Ikaw ang bigay ng Maykapal
Ikaw ang kislap sa 'king mga mata
Tanging ikaw, tanging ikaw

Akala mo, siguro ako'y nagbago
Mula nang una kang makita
Hanggang ngayon
Tanging ikaw, tanging ikaw

Akala mo, siguro ako'y nagbago
Mula nang una kang makita
Hanggang ngayon
Tanging ikaw, tanging ikaw

Ikaw ang matagal kong hinintay
Sa 'king dasal ika'y binigay
Hindi mawawala sa iyong tabi
Nandito lang araw at gabi
Sa yakap mo na aking langit
Ikaw ang aking langit
Ikaw, tanging ikaw


Nang awitin mo ang kantang ito no'ng huli nating pagsasama, alam ko na at alam kong alam mo na rin ang totoo, ngunit hindi natin ito puwedeng maramdaman nang pangmatagalan, ngunit hindi rin naman natin kayang takasan kagaya ng ginagawa nating pagtakas sumandali sa ating mga kani-kaniyang mundong masyadong sinasadya ang maraming bagay, kung kaya't para sa 'yo, na aking "Tanging ikaw, isipin mo na lang ...."

Nagmamahal nang 'di sinasadya,

Sr. Godlyn "Atnis" M. Amores, ODL
Convent of the Order of Divine Love
La Fuente Drive, L.A. Calif., USA

*

Atnis,

Alam kong alam na nating pareho na mas pipiliin natin sa pagkakataong ito ang magkita at magkasama sa paraang hindi natin kapwa sinasadya, dahil kapwa natin batid ang katotohanan sa ating mga isip na ang mga bagay na sinasadya ay mas agad na nakakasawa at mas agad na nakakapagod. At ayaw nating parehong mangyari 'yon sa isang napakahalagang bagay sa ating mga kaluluwa, sa ating pagkatao na parehong naghahanap at tumatakas sumandali sa ating kani-kaniyang mundo kung saan masyadong sinasadya ang halos lahat ng bagay.

At dahil alam ko na, na alam ko na ring alam mo na, ang isang bagay na, kagaya mo, ay hindi ko rin kayang takasan na lamang nang paulit-ulit, hayaan mong ipadama ko sa 'yo ang damdaming ito sa pamamagitan ng isang awitin na pagkatapos mong awitin no'ng huli tayong magkita ay mas nagkaroon na ng katiyakan ang ating mga kaluluwa at mga puso—bagamat isa lamang itong katiyakang kailangang tiyak na manatili sa palapag ng ating mga isip.

"Isipin Mo Na Lang"

Nangangamba ka ba
Ngayong malayo ka
Ako kaya ay magbago?

Hinahanap ko ba
Sa iba ang ligaya
Ngayong tayo'y magkalayo?

Manatili't huwag matinag
Sa pag-ibig mo ay bihag
Ang puso kong ito

Isipin mo na lang
Ang ating samahan
At ang pag-ibig ko sa 'yo

Isipin mo na lang
Ngayong natagpuan
Tunay na magmamahal sa 'kin

At ang nag-iisang hadlang
Ay ang pansamantalang
Paghihintay, ba't 'di ko gagawin?

Manatili't huwag matinag
Sa pag-ibig mo ay bihag
Ang puso kong ito


Kung kaya't, Atnis, huwag mo sanang hahayaang panghinaan ka ng isip upang kahit man lang sa aspetong ito kung saan hindi tayo kailangang tumakas nang tumakas at gawing sinasadya ang maraming bagay sa ating mga buhay at maisakatuparan natin at patuloy na panghawakan ang kapangyarihan ng ala-ala.

At kapag dinadalaw ka ng karuwagan o ng pag-aalinlangan sa isang bagay na anim na taon na nating niyayakap, lagi mong tatandaan at "isipin mo na lang" na ... "tanging ikaw."

Sumisinta sa 'yo nang 'di sinasadya,

Rev. Fr. Deo "Laham" A. Amos
Salt of the Earth Parish
Sta. Ines, Bacolor, Pampanga, Philippines


*

Mula sa kalayuan tanaw mo ang isang larawan ng isang munting paraiso: papalubog na araw sa harapan ng isang malawak na karagatan, isang mahabang tulay, mga puno't halaman sa tagiliran, na nagbibigay ng magkakahalong kulay bughaw—mapusyaw na pula, malamig na luntian, at maliwanag na kulay abo. Ngunit sa pagkakataong ito ay tila ba may kulang: ang dalawang nilalang na ngayon ay nakahanap na ng isang pagkakataon, na kapwa nila hindi sinadya, para sa pag-ibig na mas totoo na kesa sa kanilang nararamdaman, anim na taon na ang nakararaan. At kung nahihirapan kang maramdaman ang pag-ibig na ito, maipapayo kong, kagaya nilang dalawa, ay isipin mo na lang. At kung nahihirapan ka pa ring maintindihan, damhin mo naman.

(Author's note: Nagpapasalamat ako kina Aiza Seguerra at Mike Villegas para sa dalawang awiting naging masidhi kong inspirasyon para maisulat ang maikling kuwentong ito. Salamat, mga tsong, sa inyong mga akda at katha! Patuloy pa sana tayong makalikha ng mga bagay na hindi sinasadya.)


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 9:00 AM 6/12/10 | More of this author on eK!
WHAT THEY SAY...

Joey Anne Marcelo Mercado (New York) writes...

The first time I read this story, I already fell in love with it. I like the psychological plot embedded in the story, and I can honestly say that the writer of this story is s brilliant to have thought of crafting a kind of literary plot like this, which makes this story not completely conventional.

Although I must admit that the writer is a bit conventional in his use of the Tagalog words which probably reveeals his cultural background, but his deep use of the Tagalog words will not completely hinder the readers in understanding the entirety of the story.

I like the story so much that I had to make some of my Filipino classmates here in Julliards School read it. It has been a while since I've last read an uncommon contemporrary Filipino short story, and I thank God that I discovered ek (through an uncle of mine) and was able to read the works this brilliant writer who is so full of depth and substance every time he wirtes (whether an essay, a short story, a poem). He never fails to amaze me with his substance as a writer.

And being a creative writing student myself here at the Graduate School of Julliards, I must say with complete audacity that he has an excellent command of the three languages that he uses in his writings! And rare are the writers nowadays who could have the mastery of three languages in writing their stuff.

I am presently taking up my MFA (Master of Fine Arts) in Creative Writing here at Julliards School in New York. And Mr. Soto, hats off po ako sa inyo! Two thumbs up! I hope to meet you personally someday for a cup of coffee (or beer)?)

-Posted/Via Email: 2010-09-01 17:31:59 PDT



post Publish your comments...
Nextnext