eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto (para kina noyms at zalds)

KUNG HINDI n'yo pa alam, may mga bagay na nagagawa ang kawalan ng magawa. Oo, meron. At kung minsan ang mga bagay na nagagawa ng kawalan ng magawa ay mga bagay na 'di hamak na mas makabuluhan at mas mahalaga kesa sa mga bagay na nagagawa ng may ginagawa, na 'di magagawa ng isang tao kung may ginagawa siya (dahil nga may ginagawa siya). Kahit pa sabihing ang mga ginagawa niyang ito ay hindi naman niya talaga gustong gawin, bagkus ay kailangan lamang niyang gawin dahil kapag hindi niya ito ginawa ay wala na siyang gagawin. (Huwag n'yo nang pansinin ang mga kamalian sa punctuation na nakikita n'yo sa binabasa n'yo ngayon, dahil hindi niyo rin naman naiintindihan kung bakit mali o paano niyo ito gagawing tama. Baka nga ni hindi n'yo alam na may mali eh ... kasi, para sa akin, wala naman. Maliban na lamang kung gusto n'yong magpaka-intelektwal dahil na rin sa nagagawa sa inyo ng kawalan ng magawa syndrome, o 'di kaya ng sobrang dami naman ng ginagawa n'yo.)

O ano, magulo ba?

Isa lang 'yan sa mga nagagawa ng kawalan ng magawa: ang maging magulo kahit pa ayaw mo. Dahil nga wala kang magawa ... nang maayos.

Iba pa, 'yong wala ka lang talagang gustong gawin, ha? Iba 'yon. Iba 'yon sa kawalan lang talaga ng magawa kesa sa wala ka lang talagang gustong gawin. Hindi na kailangan ng sobrang katalinuhan para maintindihan ang kaibahan ng dalawang 'yan: 'yon ngang wala ka talagang magawa kesa sa wala ka lang talagang gustong gawin.

Makulit na ba?

Pangalawa pa lang 'yan sa nagagawa ng kawalan ng magawa: ang maging makulit, sinasadya man o hindi ang kakulitan. Pero dahilan 'yan para lang may magawa sa mga panahong dinaratnan ka ng kawalan ng magawa. Kahit pa may mga dapat kang gawin o gustong gawin ngunit 'di mo magawa dahil maramot ang pagkakataon, at ang mga bagay na meron ka lang para magawa ang mga bagay na ito: 'yong mga gusto mong gawin at mga dapat mong gawin.

Makulit pa rin eh, 'no? Paulit-ulit lang ba 'ko? Am i making any sense at all? What sense am I trying to make at all? Is this the kind of sensibility that is solely confined in the magnanimity of words and linguistic significance? (Ingles 'yon!)

'Yan ang pangatlong nagagawa ng kawalan ng magawa: sudden self-introspection. 'Yon bang bigla mo na lang itatanong sa sarili mo ang mga bagay na kunwari ay para sa 'yo ay malalim ... mga bagay na itinatanong mo lang kapag lango ka sa alak, o depressed ka dahil wala kang pera o heartbroken ka (kuno), o ubod nang init ng panahon, o kung napuyat ka dahil sa hindi ka dalawin ng antok dahil ilang ulap ng usok ang sininghot mo sa katol dahil malamok, at ikaw lang ang makakaintindi ng pinakahuling kadahilanan dahil hindi mo ito sasabihing dahilan kapag may nakahalatang puyat ka at tinanong ka kung bakit parang may dalawang buto ng langkang nakaipit sa ilalim ng iyong mga pilik-mata.

Corny ba?

'Yan ang pang-apat na nagagawa ng kawalan ng magawa: ang maging corny, sinasadya mo man o hindi. Pero 'yon ang mangyayari at do'n ka rin hahantong dahil kahit naman may ginagawa ka, talagang corny ka naman talaga. Aminin mo man o hindi sa sarili mo. Kaya minsan (o madalas?) naiinis sa 'yo ang mga berks mo, dahil nga sa kakornihan mo na wala pa sa timing kung kelan ka dapat maging corny. Oo, kung hindi n'yo pa alam, may right timing din ang pagiging corny. Huwag niyo 'kong tanungin kung kelan 'yon dahil alam ko ang sagot d'yan. Oo, alam ko. At kapag sinabi ko pa sa inyo ang sagot, dadami pa tayo. At bakit ko naman gugustuhing dumami pa tayo, 'di ba? Eh di hindi na tayo "endangered species" kapag nagkataon? Mababawasan pa lalo ang commercial value ng mga corny. Oo, hindi niyo alam 'yon, for sure, na may commercial value ang mga corny. Tanungin niyo pa si Bob Ong.

'Yan ang halimbawa ng kakornihang wala sa timing. Parang having the right love at the wrong time. Isipin mo munang mabuti bago mo sabihing walang saysay 'yong analogy na ibinigay ko rito. Kasi meron 'yon ... Quick to judge ka lang, pero slow to think naman.

'Yan ang panglimang nagagawa ng kawalan ng magawa: ang isipin mong pilit at ipagpilitan mo talaga sa sarili mo na sensible ka at pati na rin 'yong mga naiisip mo, kahit ang totoo n'yan ay hindi ka naman talaga sure kung totoo 'yon. Bakit, kailangan pa bang maging sensible ang isang taong dumaranas ng "ang nagagawa ng kawalan ng magawa" syndrome?

Ewan ko! Itanong n'yo 'yan sa mga "adik." Tiyak na alam nila ang sagot.

Huwag n'yo na lang itatanong pagkatapos n'yong itanong sa kanila kung bakit nila alam ang sagot. Dahil dalawang klasi na kayo ng adik no'n kung sakali: isang tunay na adik at isang adik sa katangahan. Pero kung talagang mapilit kayong malaman kung bakit nila alam ang sagot, at masaya na rin kayo, sa palagay n'yo, sa edad n'yo ngayon, sige lang ... itanong n'yo nga sa mga adik kung bakit alam nila ang sagot sa tanong na, "Kailangan pa bang maging sensible ang isang taong dumaranas ng 'ang nagagawa ng kawalan ng magawa' syndrome? "

Ngayon, kung sa akala n'yo ay madali itong ginagawa ko ngayon na umapuhap ng pagkakaabalahan sa aking isipan para lamang magamot ko ang syndrome na 'to, na dumadaloy sa aking katauhan ngayon, puwes, mag-isip ulit kayo. Dahil hindi madali. At kung talagang tutuusin ay mas mahirap pa nga ito kesa sa talagang may ginagawa ka at dapat kang gawin. The hardest thing to do in this world is to do nothing, sabi nga ni ..., ni ..., basta may nagsabi no'n kaya ko siya nabasa sa isang libro (o kung mas mamarapatin ng iba sa inyo, "aklat" kung aklat). Ang tanong nga lang ay ito: wala nga bang ginagawa ang isang taong dumaranas ng kawalan ng magawa? At ang isa pang tanong ay ito: may mga moments ba talaga sa buhay ng tao na wala talaga siyang ginagawa kahit na talagang wala naman talaga siyang ginagawa? Eh ano ba ang tunay na kahulugan ng walang ginagawa? At ng may ginagawa? At paano naman 'yong mga taong maraming ginagawa pero sinasabihan na parang wala ka namang ginawa eh (dahil hindi naman daw lahat ng abala ay totoong abala sa tamang bagay)?

Nagpapakamalalim na ba 'ko? (Kanina pa marahil, actually ...)

'Yan ang pampitong nagagawa ng kawalan ng magawa: ang magpakamalalim ka kahit gaano ka man kababaw. Dahil kahit gaano kababaw, palalalimin mo talaga 'to dahil nga nakikita mo ang kawalan ng magawa bilang isang kababawan—o kalaliman (depende na 'yon sa pananaw mo—ng pagkatao. Which is to say, mahirap din naman talagang gawin para lang sa mababaw—o malalim—na naisin mong maibsan ang sakit ng kawalan mo ng magawa.

Pero come to think of it, may saysay naman talagang nagagawa ang kawalan ng magawa. Nasa tao lang 'yon kung paano niya bibigyan ng kabuluhan ang mga bagay sa buhay niya, dahil kahit pa ang sakit at ang mga pangit ay maaaring makitaan ng kabuluhan kung ating nanaisin lamang. Ito ang pangwalong nagagawa ng kawalan ng magawa: ang mahanapan ng saysay ang mga bagay na pangit sa buhay natin, ang mga bagay na pangit na nangyayari sa life natin.

We have to admit it to our very own very busy selves that we are only able to do these abovementioned things only when we find ourselves doing nothing ... either by choice or by chance. And I would like to think that if a lot of people find doing nothing (it's not the same as idleness, of course) as something dangerous and treat it like a disease as well, then these people should also start asking themselves if it is not more dangerous to find yourself always busy with a lot of things to do and find so little time already to ask yourself, "When was the last time I found myself doing nothing just for the sake of doing something significant for my battered spirit?"

Kailangan din nating aminin sa ating mga sarili na kung minsan, sa kawalan lamang ng magawa natin, natutuklasan ng mas mabuti at ng mas malalim ang ating mga sarili, ang ating mga kalakasan at kahinaan, mga kaligayahan at kalungkutan, mga tunay na tagumpay at kasawian, ang mga katotohanan at kasinungalingan, ang mga may tunay na kabuluhan at kababawan, ang meron at wala, ang mga tunay at hindi ... ang mga totoo at hindi natin nagawa para sa ating mga sarili at sa kapwa. Ito ang pangsiyam na nagagawa ng kawalan ng magawa: ang makita ang buhay sa mas malaki nitong larawan. We cannot afford to always lose ourselves in details.

I believe people should start developing, if not recovering at all, the spirituality of doing nothing if humanity is to save itself from an early demise. Hindi natin maaaring daanin sa madalian ang lahat ng bagay sa buhay. Hindi tayo maaaring parati na lamang nagmamadali at nakikipag-unahan sa buhay. Things will happen if they are bound to happen, sabi nga sa Oedipus Rex. Maaaring hindi palaging totoo ito, pero may nakapaloob na karunungan sa pangungusap na ito na dapat rin nating isaalang-alang paminsan-minsan.

Life is not always about hurrying up; it's more about helping yourself to slow down a bit and pause awhile sometimes so you can re-energize your spirit for the many things that you are supposed to do for yourself, for your loved ones, for your friends, for others who depend on your strength, and most of all, for God on whom you depend.

Hindi tayo makina at mga robot. Napapagod din ang katawang-lupa natin at may hangganan din ang lakas nito. Life is a gift, not a given. It's a choice, not a chance. Sana maging mabait din tayo sa ating mga sarili, sa ating katawang-lupa at kaluluwa, dahil regalo ang mga ito, at kung ano ang gawin natin sa mga ito ay ang siya namang regalong maibabalik natin sa nagbigay ng mga ito sa atin.

Finally, kung ito ang nagagawa ng kawalan ng magawa syndrome, wala akong pinagsisisihan sa nagawa kong ito, ngayong ako ay bumabagtas sa isang napakakipot na daan ng kawalan ng magawa, dahil kahit paano ay nalaman ko rin ang pangsampung maaaring magawa ng kawalan ng magawa: ang makapagsulat para sa mga taong wala ng panahong tumigil at magbasa ng isang sulating kagagawan lamang ng isang taong walang magawa sa dami ng dapat niyang gawin.

Postscript: Para sa aking mga kaibigang sina Noyms at Zalds, maraming salamat sa mga moments na naibibigay n'yo sa akin at sa ating friendship over a bottle or bottles of SML or Vodka and really delicious food, na palaging kayo ang sagot para lamang sa ... saan nga ba? Sa ano? Saan? Basta! Para sa paghinto natin sandali sa mga buhay nating masyado nang sinasadya.


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 2:51 AM 6/8/10 | More of this author on eK!
WHAT THEY SAY...

Joey Anne Marcelo Mercado (New York) writes...

This is another brilliant philosophical essay on life! Bravo, Mr. Soto! I reallly to meet you someday! God bless you!

-Posted/Via Email: 2010-09-02 01:01:22 PDT



post Publish your comments...
Nextnext