eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto ANG PAGKATUTO (ay...)

Saan nga ba nagmumula ang tunay na pagkatuto? Paano nga ba nangyayari ito?

Sabi ng isang matandang kasabihan mula sa Ingles, "Ang karanasan ang pinakamahusay na guro." Totoo pa rin ba ang kasabihang ito sa makabagong panahon natin ngayon?

Sa aking palagay, bilang isang guro, at bilang isang tagahubog ng kaisipan at kamalayan ng mga kabataan ngayon sa makabagong mundong tinatahanan nating lahat, hindi pa rin nagbabago ang aking pananaw at pananampalataya sa matandang kasabihang ito—kagaya ng aking hindi pa rin kumukupas na paniniwala sa isang katotohanan ng buhay, na hindi lahat ng bagay na dinaanan na ng maraming panahon ay nawawalan na ng halaga, saysay, at diwa.

Mayroon talagang mga bagay (ngunit muli, hindi lahat ng bagay) na kahit gaano man katagal ng dinaanan ng panahon at ng iba't ibang mga salinlahi ay patuloy pa rin nagiging kapaki-pakinabang ang kanilang angking kakayahan na bumago ng buhay at tunguhin para sa isang magandang kinabukasan ng sangkatauhan. Mahirap nang itanggi pa ang katotohanang ito, maliban na lamang kung ubod mo ng yabang at pipilitan mo pa ring bale-walain ang katotohanang ito at ipagsisiksikan mo pa ring pilit ang mga baluktot mong katwiran at paniniwala para lamang pawalan mo ng bisa at saysay ang isang tinanggap nang katotohanan ng mga dalubhasa sa hinaba-haba ng mga panahong nagdaan sa kasaysayan ng pagkatuto at pag-unawa sa kaalaman.

Ano man ang gawin natin upang tutulan ang katotohanang ito, pilit pa rin itong iigpaw at patuloy na magsasabi at magpapaalala sa atin na tunay ngang ang karanasan ang pinakamahusay na guro ng sangkatauhan. Maging ang Diyos ay nagpamalas sa katotohanang ito sa pamamagitan ng isang napakadakilang karanasan na bukas-puso Niyang niyakap para maituro at maipamalas sa tao na nasa pagdanas ang tunay na bisa at saysay ng pagtuturo at pagbabahagi ng mga aral na kailangan niyang matutunan at maunawaan nang lubos para sa kanyang kaligtasan at kapakinabangan.

Mula sa kaisipang ito dapat palaging hugutin ng isang guro ang mga bagay-bagay na ginagawa niya sa silid-aralan kapag siya ay nagtuturo. Dapat ay tinitiyak niya na may pagdanas sa iba't ibang bahagdan at pamamaraan na nangyayari sa kanyang mga mag-aaral sa kahit anumang paksa ang kanyang tinatalakay. Dito nasusubok at dito rin nahuhubog ang husay, talino, at kakayahan hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na rin ng guro. Sa pamamaraang ito ng pagtuturo nahahasa ang utak at pati na rin ang puso ng mga mag-aaral at ng guro. Walang bisa ang mga konsepto, ang mga ideya, at ang mga salita kung ang lahat ng ito'y naiiwan lamang sa utak ng mga mag-aaral at hindi nila nararanasan ang mga ito sa loob ng silid-aralan. Hindi kailanman sasapat ang tisa at pisara para maturuan at maipaunawa sa mag-aaral ang mahahalagang konsepto at mga aral sa buhay na kailangan nilang matutunan at malinang para sa kanilang paghahanda sa tunay at mas malawak na paaralan: Ang Buhay! Ang buhay ang siyang tunay na unibersidad kung saan nasusubok at natitiyak natin ang tunay nating mga kakayahan, talino, at kaalaman, na halos dalawang dekada rin nating ginugol at pinanday sa apat na haligi ng isang gusali na tinatawag nating silid-aralan. Ito ang tunay na magbibigay sa atin ng mga markang naaayon sa ating mga pang-unawa at mga pagkilos at mga pagsasabuhay sa mga natutunan natin sa paaralan.

Sa unibersidad ng buhay, ikaw ang pangunahing guro at mag-aaral na magbibigay at gagawa ng saysay para sa iyong kaalaman. Dito ikaw ang tunay na magpapasya para sa markang nais mong makuha sa iba't ibang asignaturang iyong papasukan at nanaising matutunan at maunawaan nang lubos. Nasa 'yo rin ang pasya kung gusto mong mag-drop at 'di na pumasok pa sa asignaturang ayaw mo nang pasukan sa kahit ano pa mang kadahilanang mayroon ka, dahil walang mas iba pang mauunang gurong magpapa-alala sa 'yo araw-araw kung bumabagsak ka na o pumapasa maliban sa sarili mo at sa mga karanasan mong ikaw din ang gumagawa para maturuan at mahubog ka bilang isang kapaki-pakinabang na nilalang na kabahagi sa isang lipunan.

*

Ito ang dahilan kung bakit nalulungkot ako nang labis kapag nakikita ko o nababalitaan sa aking mga mag-aaral na may mga guro sila na wala nang ginawa araw-araw kundi ang paulanan sila ng mga salita at mga sulatin mula sa mga aklat at mga babasahin na hindi man lang tinitiyak mula sa kanilang mga mag-aaral kung nauunawaan ba ang mga salita, konsepto, at mga paksa na nakatala sa mga babasahin at mga aklat na ito. "They equate telling with teaching," sabi nga ng isang dalubhasang guro sa Harvard.

Ang karanasang magbasa at umunawa sa binabasa ay nagiging mas mabunga lamang at mas makabuluhan kung ang mga pinababasa ng mga gurong ito ay naipararanas din nila sa kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga gawain na magpapakita o magpapamalas ng kakayahan at kagalingan ng mga mag-aaral na ayon sa kanilang mga natutunan at nababasa.

Higit sa lahat, at sa aking palagay, ay tunay na narito ang isang mataas at makabuluhang pagkatuto at pagtuturo—nagiging malalim lamang ang isang pag-unawa kung naiuugnay natin ang ating mga itinuturong mga konsepto, mga ideya, kaalaman, o mga impormasyon sa pang-araw-araw na buhay ng mga mag-aaral.

Anong lalim at kabuluhan ng "acceleration," "velocity," sa Physics kung naiiwan lamang ang lahat ng ito sa mga konsepto at hindi naiuugnay ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga mag-aaral?

Anong diwa ang makikita ng mga mag-aaral sa mababang paaralan sa Pandiwa at Pangngalan kung hindi mo naipaliliwanag at naipararanas ang mga ito sa kanilang mga ginagawa sa silid-aralan? Paano nila ito makikitaan ng saysay at kabuluhan sa kanilang mga murang kaisipan ang mga salitang ito kung hindi mo nasasabi man lang ang dahilan kung bakit nila ito kailangang pag-aralan? (Kung kaya't saludo naman ako at labis na nagbibigay-pugay sa mga tunay na mga "MILA" o mga huwarang guro na matiyaga, walang sawa, at masigasig na gumagawa ng kanilang mga tungkulin na higit pa sa kanilang makakaya kung minsan at higit pa rin minsan sa hinihingi ng kanilang mga pagiging guro upang makatulong lamang at maipadama ng lubusan ang kanilang mga pagmamahal at malasakit sa kanilang mga mag-aaral. Pagpalain nawa sila ng Maykapal!)

Naniniwala ako na ang mga gurong hindi nakapagbibigay ng saysay at kabuluhan sa kanilang mga asignaturang hinahawakan ay maiiwanan ng buhay at matatandaan lamang ng kanilang mga mag-aaral bilang mga payak na "subject teachers" lamang. Hanggang doon na lamang sila at ang kanilang mga ala-alang maiiwanan sa kanilang mga buhay dito sa mundong ibabaw.

At sa aking palagay, lubhang nakalulungkot ang bagay na 'to para sa mga tinatawag na guro, na tinaguriang may pinakadakilang propesyon sa lahat ng propesyon. Sayang naman ang naging propesyon nila... isang propesyon at katawagan na ginawa lamang nilang simpleng trabaho at hanap-buhay para lang mabuhay sila at ang kanilang mga pamilya (hindi na bale ang mas mahalagang tungkulin nila na kung may buhay bang nabago ng dahil sa kanila).

Sana sa iba na lang mga propesyon napunta ang mga ganitong uri ng guro. Ngunit ito ay isang malaking "sana"... hanggang ngayon! At madalas ko pa ring itinatanong sa aking sarili, "Hanggang kailan mananatili ang malaking 'sanang' ito?"

Hanggang walang pagkatuto at habang mas namamayani ang katamaran at pagkapit ng mga ganitong uri ng guro sa kanilang mga ideolohiyang hindi na hinasa at pinagyabong pa ng panahon, mananatili pa rin ang malaking panghihinayang na 'to sa aking puso at gunita, at patuloy ko pa ring pabuntong-hiningang sasabihin sa aking sarili ang "Sana natuto rin sila..."


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 7:49 PM 3/7/10 | More of this author on eK!
Nextnext