eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto SA RELIHIYON at moralidad, ang katagang inviolability o kabanalan ng buhay ay isang prinsipyo na naglalayong pangalagaan at protektahan ang kabanalan ng buhay upang ito'y hindi malapastangan. Sa mga relihiyon sa Kanluran, ang konseptong ito ay nakaugat sa paniniwala na ang tao ay may kaluluwa at nilikha sa wangis ng Diyos, kung kaya't dapat bigyan ng nararapat at sapat na pagpapahalaga ang kanyang buhay.

Ang konsepto ng kabanalan ng buhay ay may isang mahalagang lubid na nagdudugtong sa moralidad ng relihiyon at moralidad ng batas, sapagkat kapwa naghahanap ng paliwanag (sa kani-kaniyang mga prinsipyo, na nakasandig sa konsepto ng naturalesa at kalinisan, at gayon din sa pangmalawakang paggamit ng mga ito) tungkol sa tama at maling pananaw sa kahalagahan at pagpapahalaga at pangangalaga sa dignidad at kabanalan ng buhay ng bawat nilalang.

Nakalulungkot isipin na sa panahon natin ngayon, malimit na nating makita ang lubid na ito na dapat sana ay totoong magdugtong sa moralidad ng relihiyon at sa moralidad ng batas. Napipilitan tuloy ang marami na isipin na ang lubid na ito ay pinatid na ng iba't ibang negatibong puwersa kung kaya't wala nang nagdudugtong pa sa kaayusan, pagkakaisa at kapayapaan, na kapwa layuning itong makamit ng moralidad ng relihiyon at ng moralidad ng batas. Sa pagkakapatid ng lubid na ito, naiiwan ang marami sa magkabilang bakuran ng moralidad ng batas at moralidad ng relihiyon na may kani-kaniyang pananaw, kani-kaniyang gawain, kani-kaniyang hangarin na nakalilimot na sa katotohanang magkadugtong silang dalawa at magkaakibat sa layuning mabigyan ang lipunan ng kaayusan, kapayapaan, at katarungan, upang sa gayon ay mapangalagaan sa tuwina ang kabanalan at dignidad ng buhay.

Hindi ako makatulog sa malagim na pangyayari sa Maguindanao... ngunit ayaw ko rin namang bangungutin sa aking pagtulog nang dahil sa karumal-dumal na pangyayaring ito. Tama na 'yong mapanaginipan ko ang trahedyang ito... isang panaginip na baka sakali pang makitaan ng pag-asa at ng kabutihan. Ngunit mahirap humabi ng panaginip sa isang nanggigising at 'di magpatulog na pangyayari. Mahirap managinip kapag kahit na anong pilit mong gustuhing matulog ay 'di umayon sa 'yo ang iyong diwa at isip... ang iyong konsensiyang naghahanap ng paliwanag at katwiran sa isang dayami ng imoralidad at kawalan ng paggalang sa karapatan at pagkakataong mabuhay ng isang nilalang. Mahirap managinip ng gising!

Hindi na maari pang itanggi ang isang nagsusumigaw na katotohanan na napakabagal ng pag-usad ng katarungan sa ating bansa. Just-tiis na lang talaga! Ito ay dahil nga sa pagkakapatid ng lubid na nagdudugtong sa moralidad ng relihiyon at sa moralidad ng batas.

Ang Maguindanao Massacre ay isang malinaw ng patotoo na tuluyan nang nawala ang paggalang o respeto ng maraming tao sa kabanalan at dignidad ng buhay. Sa pagkakapatid ng lubid na ito, nahihirapan na rin ang marami na makita ang mukha ng Diyos sa bawat nilalang. Ang tinutukoy kong lubid na ito ay ang lubid ng pag-ibig o pagmamahal, kung saan nag-uugat lahat ng iba pang kabutihan, moralidad, at pagpapahalaga.

Ang dami kong gustong sabihin, ang dami kong gustong ipahayag. Isa na rito ang aking masidhing galit! Galit ako! Galit na galit! Ngunit ayaw kong maghari at magsilbing malakas na udyok ang galit ko sa nararamdaman kong ito para lang mailabas ko ang lahat ng aking saloobin sa aking isusulat tungkol sa nakagigimbal na massacre na ito! Maguindanao massacre is not simply a massacre of human lives; it is a massacre of the sanctity and dignity of human life!

Gusto ko nang tapusin ang artikulong ito bago ko pa masabi ang hindi ko na dapat sabihin sa pamahalaan at sa mga taong gumawa ng labis na kalapastanganang ito sa kabanalan at dignidad ng buhay ng tao. At dahil gusto kong isipin na marunong akong tumula, mamarapatin kong tapusin ang artikulong ito sa isang tula, gamit ang aking wikang kinalakihan at ipinagmamalaki: ang wikang Capampangan. (Minarapat ko lamang isulat ang artikulong ito sa Filipino/Tagalog dahil gusto kong mas malawak ang maabot ng aking isinulat at sa kadahilanan na rin na baka isipin ko na ring tuluyan na hindi na 'ko marunong magsulat sa aking wikang pambansa.)

Heto ang aking tinutukoy na tula:

MUA

Dinatang ya ing kasalang ku;
at aku quetan ning pangabili cu,
linaue queng maratna ing lupa na.
Ring labi cu micacauani la qng mua ra,
at marauac queng linaue caring mangataram cung mata.
At iniang ume na cung maco, ing casalang cu,
ing siual a caladua ngana canacu:
"Datang ing panaun, potang iti ngan sabla milabas,
at ding anggang balas icua ra na ngang miaclas,
cutnan ta ing sarili ta o't micasama ca ta,
at bigu ca tang macaibie mang cuentu ta.
Maguing anti ya mo uaring misteriu quecata ini
Nung baquet icata micasama ca tang anti canini."
Nun inia sa't sinu na pang sinabi ning casalang cung ini,
a e guinulut, bagcus pinilit nang minarap anting lalaqui,
manenaya yang damdam caring iapse cung amanu;
dapat agad-agad, alang isip, mebating cu,
catacutan cu a nung birianan cu pang menatili cu,
auma queng anti ning pamanuma cu qng Apung Guinu.



[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 7:59 AM 12/1/09 | More of this author on eK!
Nextnext