eK! is electronic Kabalen (eksite.com), a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

abel d soto
abel soto KAPAG NARIRINIG ko ang "reunion," hindi ko alam kung dapat ba 'kong malungkot o sumaya. Lalo na kapag High School Class Reunions ang magaganap. Ayaw mo mang isiping tumatanda ka na talaga, pero hindi puwedeng itanggi ang nagsusumigaw na katotohanan: tumatanda ka na talaga. Hindi totoong "kalabaw lang (daw) ang tumatanda." Kunswelo de bobo lang ang kasabihang ito ng mga gurang na nagpupumilit maging bata at pilit na tinatakasan ang pagtanda. Para bang habang panahon silang mabubuhay.

Ayaw mo mang harapin at masakit man itong paniwalaan, pero kailangan mo pa rin itong tanggapin ng buong tapang, o ng may kahalong pagmamalaki o hiya, depende sa napatunayan at narating mo sa buhay pagkatapos mo ng high school o kolehiyo.

Pero bukod sa isyu ng edad, wala na akong iba pang matinding dahilan para iwasan ang high school reunion. Wala naman kasi akong dapat itago o ikahiya. Sa katunayan, marami akong dapat ilabas at ipagmalaki. Heto ang tunay na dahilan kung bakit atat na akong umatend ng high school reunion: HINDI KASI AKO NAKA-ATTEND DOON SA HULING HIGH SCHOOL CLASS REUNION NAMIN NOONG DECEMBER 2007!!!

Ewan ko ba! Ako lang yata ang hindi nasabihan tungkol sa reunion na 'yon dahil pakiramdam ko talaga, kahit alam ko naman na hindi lang ako ang absent sa okasyong 'yon, ang laki ng nawala sa akin...parang isang paboritong aklat o 'di kaya'y DVD o VCD ng isang pinaka-paborito kong pelikula na naiwala ko na lang ng gano'n-gano'n na lang. At ito ay dahil lamang sa isang payak na kadahilanan na hindi raw ako matunton ng mga kaklase ko kung nasaan ako noong mga panahon na' yon. Inisip ko tuloy kung sobrang laki ba ng Pilipinas para hindi ako mahanap? Ano n'ang nangyari sa Internet? Hindi ba ito nakatulong sa paghahanap nila sa akin (at sa iba pang mga hindi nila ma-"locate" noon)? O sobrang laki ba ng Pampanga para hindi ako makuhang ipagtanong kung nasaang balagbag ako ng Pilipinas noong mga panahong iyon?

Gustuhin ko mang maghinanakit at magtampo sa mga kinauukulan kong mga kaklase at mga ka-batchmates, wala na ring punto pang itanim ko ang mga basurang ito sa dibdib ko. Kaya heto ako ngayon, naghihintay ulit ng isa pang engrandeng reunion namin... umaasa na kapag naganap ito, HINDI NA AKO ABSENT, dahil pipilitin kong maging PRESENT para tumulong na "maghanap" sa mga kaklase naming "nawawala" (kasama na rin 'yong mga ayaw talagang magpahanap).

Ngayon, baka sumasagi na sa kisame ng mga utak ninyo kung bakit gano'n na lamang ako kasabik na magkaroon ulit kami ng high school reunion...

Bakit nga ba?

Kung ako siguro ang magtatanong nitong tanong na ito sa lahat ng mga kaibigan at mga kakilala ko (maliban sa mga kaklase at ka-batchmates ko noong high school), tiyak na kakaunti ang sasagot. At kung meron man, palagay ko'y negatibo ang magiging sagot nila. Parang ganito:

"Reunion? Pasensiya na... pero wala akong balak magsayang ng panahon na umatend ng mga ganyang klaseng pagtitipon. Magpapayabangan lang ang mga kaklase natin at kaaawaan ang mga sumemplang sa buhay."

Sabi nga ng isa kong kakilala, "Hay naku, ang reunion, imbes na maging totoong 'reunion,' ay nagiging pagkakataon lang siya ng pasikatan at pabonggahan."

Sa palagay ko, depende sa mga nagre-reunion. Hindi lahat ng mga class reunions ay nagiging pagkakataon para lamang maglahad ng mga nakamit sa buhay ang mga nagsumikap ng husto, o ang magpahayag ng awa o pagkadismaya at kalungkutan para sa mga hindi pinalad na mga kaklase. Tiyak ko, hindi ganyan ang kaso sa reunion ng batch namin. Kahit hindi ako naka-attend noong unang grand reunion na 'yon, sigurado pa rin ako na hindi ganyang klase ng reunion ang naganap sa reunion namin.

Bakit ko alam?

Dahil kilala ko ng husto ang mga kaklase ko. Ang iba sa mga ito'y saksi sa paglaki ng bawat isa sa amin, dahil simula pa ng elementary level ay magkakaklasi na kami. Nakita namin at naramdaman ang maraming mahahalagang bagay sa buhay ng mga lumalaking nilalang sa mundo ng akademya na tinatawag nating paaralan o eskuwelahan.

Marami sa amin ang naki-iyak sa mga pighati at kalungkutan ng bawat isa dahil sa iba't ibang dahilan: nabasted ng nililigawan, hiwalayan ng mga mag-syota, hiwalayan ng mga magulang, pagkamatay ng isa sa mga mahal sa buhay, pagbagsak sa Physics (uy... mukhang ako 'yon, ah), at iba pang subjects na ang guro lang namin ang nakaka-intindi, at kung anu-ano pang mga nakalulungkot na dahilan.

Naging kabahagi rin naman kami ng mga tuwa at kasiyahan ng bawat isa: pagkapanalo ng section namin sa basketball, pagkapasa ng hindi inaasahan, at kung anu-ano pang kabaligtaran naman ng mga kamalasan at kalungkutan ng buhay mag-aaral.

Pero ano't ano man, ang lahat ng mga karanasang ito ang sinasandigan ko kung kaya't sinabi kong tiyak ako na ibang klase ng reunion meron ang batch namin.

Ayon sa mga kaklase ko na naka-usap ko nang bumalik na ako sa aking "tahanang-bayan," simple ngunit makabuluhan at makahulugan ang reunion ng batch namin. Tuluyan nang nawala ang dingding sa pagitan ng IV-St. Claire at IV-St. Rafael. Puro tawanan, inisan, at kwentuhan lang ng mga bagay na may kinalaman sa buhay ng bawat isa, na hindi sumasaling sa pagkatao at dignidad ng bawat isa sa amin, bagamat may lalim at direksiyon ang mga pinag-uusapan.

At ang pag-o-organisa sa Grand Reunion na 'to ang mas naging dahilan sa mas lalong pagpapatibay ng "bonding" ('di pa uso noon ang salitang ito noong high school kami) ng batch namin. Halos kada-linggo ay nagkikita-kita ang mga punong-abala para sa reunion naming ito, at sa mga pagkikita-kitang ito mas lumalim ang panibagong pagkaka-kilala ng mga kaklase ko sa bawat isa at naging sanhi na rin ng pagbabago sa perspektibo at pananaw o pagtingin ng iba sa kapwa nila mga kaklase at ka-batchmates.

At ito rin ang dahilan kung bakit gano'n na lamang ang labis kong panghihinayang sa reunion na 'to na hindi ko nadaluhan (dahil hindi nga ako ma-"locate").

Ang mga 'di mabilang na tawanan, inisan, kantiyawan, kainang umaatikabo, at ang mga 'di na mabilang na bote ng beer at alak ang naging kasangkapan para sa tagumpay ng reunion na 'to. Oo, kasama na rin siyempre and mga pera at pagod ng mga ka-batchmates kong nagmalasakit ng husto para sa tagumpay ng class reunion naming ito.

"Masaya ba?" tanong ko sa isa sa mga kaibigan kong kaklase.

"Hindi lang masaya, bro," sabi niya. "Malalim pa. 'Di pwedeng basta maarok sa ilang kwentuhan, kainan, at inuman lang."

Ayaw ko pa sanang tapusin ang pagsusulat ko tungkol dito sa high school reunion namin, pero may dapat pa akong gawin at asikasuhin, bukod sa ayaw kong paghintayin ang mga estudyante ko. Lalo na ngayon na Mid-term exams pa... bawat minuto ay mahalaga.

Teacher ako, eh. Dahilan din ako kung bakit gugustuhin din ng mga estudyante ko ngayon na magkaroon din sila ng reunion balang araw.

Hanggang sa mga susunod na pagsusulat at pagbabalik-tanaw na lang...

Pagkatapos ng mahigit na limang buwan simula ng bumalik ako dito sa Pampanga, ngayon ko pa lang tunay na masasabi na, sa wakas, "Buhay na ulit ako!"

Heto na 'ko ulit... naghihintay para sa susunod na REUNION!


[About the author. Abel D. Soto took up his certificatory double major course in Creative Writing and Performing Arts at Centre for Arts Foundation, Inc. in Quezon City. He also finished the Managing the Arts Program at the Asian Institute of Management in Makati City. He is a resident of Bacolor, Pampanga.]

-Posted: 8:39 AM 2/4/09 | More of this author on eK!
Nextnext