eK! is electronic Kabalen, a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

wilfrido david
wilfrido david KUNG NAKAKAPAGSALITA lamang ang patay, marami silang lehitimong reklamo tungkol sa sinapit nila at kung ano ang mga pinaggagawa ng mga naiwanan sa buhay. Unang-una, sino ba sa atin, kahit na gaano pa katapang, ang gustong mamatay? Ang lasing at sira ulo lamang ang hindi takot mamatay, sapagkat wala sila sa wastong pag-iisip. Ang severe depression din ay isa sa mga sanhi ng pagkitis sa sariling buhay, o kaya ay ang pagtakas sa malaking responsibilidad na hindi na kayang harapin ang konsensiya!

Tatalakayin natin ang iba't ibang uri ng pagkamatay.

Ang makatarungan, ang pagkamatay sa guerra. Ang sundalo, kapag hindi pumatay ay siyang mamamatay. Katungkulan ng isang sundalo ang ipagtanggol ang bansa at hindi magagampangan ito kundi ipagtanggol muna ang sarili. Karamihan sa ating mga bayani ay patay, sayang. At ang buhay na bayani naman ay may gantimpalang medalya (iyun lang?) at takdang karangalan. Ang siste nga lamang, bakit ang mga napapaslang na pangkaraniwang sundalo, na maging bayani pa man din, ay hindi sa Libingan ng mga Bayani ang bagsak?

Ang pinakawalang kuwentang pagkamatay ay ang mapaslang sa inuman. Lalagyan ka ng maraming gripo sa tagiliran dahil lamang sa pagkutya sa isa't isa at napikon ang iba. Ito kasi ang paboritong libangan ng mga tambay, na malamang ay ex-convict na kalalabas lamang at sinasariwa ang pagbabarkada.

Kaawa-awa ang ale na may sari-sari store sa kanto sa iskwater area, inuutangan ng case-by-case na San Miguel, at pagkatapos itinuturo ang may utang siya ay ang nasaksak! Double kill!

Ang mamatay sa isang aksidente ay ang pinakamasaklap dahil hindi inaasahan na mangyayari ito. Kung sa bagay, karamihan sa mga naaakisidente ay sariling kasalanan na rin nila. Nakamotorsiklo sa EDSA na ubod nang yabang, napakabilis at walang atubiling overtake ng overtake, at sa isang iglap---swak! Nandoon na ang kaluluwa mo na pinapanood ang pagpulot sa bali-bali mong bangkay. Ang mahirap nito, patay ka na pilay ka pa! At ang motorsiklo mo, hindi pa bayad.

Kahit na anong pag-iwas mo sa aksidente, mangyayari at mangyayari ito. Halimbawa, ang mamatay sa "cross-fire" ng isang barilan. Tunay ka ngang biktima nang walang kasaysayang pagkamatay. Tinamaan ka sa ulo, at sino ang maituturong may kasalanan? Sinong hahabulin ng pamilya mo? Wala! Malas mo lang at wala kang habol, at masakit nito, wala ka ring insurance!

Ang pinakamasakit na pagkamatay ay sa isang murder. Premeditated man o second degree o manslaughter, patay ka pa rin. Pinatay ka ba ng asawa mo dahil sa matinding selos, o pinapatay ka ng isang hitman. Pwede ring pinaligpit ka ng karibal mo, o ang inyong sariling mga in-laws. Kaya, sa personal na opinyon lang, hindi dapat magpa-insure nang malaki, lalo na kung maganda ang asawa mo; of course, siya lang ang makikinabang, o ang boyfriend niya. Ang saklap, patay ka na, nag-eenjoy pa ang iniwanan mo.

Ang mamatay sa atake sa puso o kaya stroke ay ang tunay na napakatraydor na kamatayan. Masaya ka, maganda ang pakiramdam, walang problema, at pupunta ka sa isang pagtitipon. Biglang kikirot ang iyong kaliwang balikat at tila nangangawit, pero hindi mo pianapansin ito. Medyo hilo ka, magaan ang ulo. Hirap kang huminga, masikip ang dibdib at naduduwal---alam mo nang danger signals na ito at humingi ng tulong para madala ka sa ospital. Bye-bye na!

Marahil ang pinakamahirap harapin ay ang isang terminal illness. Binigyan ka ng doctor mo ng anim na buwan o isang taon. Makakasama mo pa nang matagal-tagal ang iyong pamilya, at marami ka pang pagkakatataon na pagsisihin at itama mo ang maling mga nagawa mo sa buhay mo. Naging isa ka bang mabait na asawa? Naging good-provider ka ba? Naging mabuti ka bang Kristiano, patas sa mga kapwa mo? Nabayaran mo na ba ang mga pinagkakautangan mo? Malas ka at nagkaroon na malubhang sakit na walang lunas, at suwerte ka pa man din at binigyan ka ng pagkakataon na magsisi.

Patungo ka ba sa electric chair or bitay, kasama mo ang jail warden at ang pari o pastor mo? Sa palagay mo ba ay dapat kang mamatay? Kung pumatay ka, dapat ka ring mamatay. Ika nga, kapag buhay ang inutang, buhay rin ang ibabayad. Ikaw kasi, pabigla-bigla ka, dinadala mo ang lahat sa init ng ulo! O ngayon, sino ang nagsisisi? Kundi ka man lang selos ng selos, o nang-hold up ng bangko, sana malaya kahit na mahirap ka. Mayroon pa bang mas mahalaga sa buhay ng isang tao?

Kaya nga, hindi dapat kitilin ang sariling buhay. Huwag gumaya sa mga nagpapatiwakal, magsisi man huli na! Ang nasirang retired General Angelo Reyes, matapang at matalino, ngunit sa bandang huli, pumalya, nagmintis! Bakit inilibing sa Libingan ng mga Bayani? Alin ba ang mas halaga, reputasyon o buhay? Sa mga nakararami sa ating lipunan o sa nakasanayan na natin, buhay ang pipiliin---kahit na walang hiya!

Is there life after death? I suppose if you believe in heaven, hell, or purgatory, it follows that you believe in life after death. I was taught these in cathecism, and throughout my years in a Catholic school; but, for the life of me, I still have to encounter one who came back from the dead and tell me how it is to be in heaven. Ghosts? They are products of a rich imagination. Supernatural beings? Monsters, ghouls, werewolves, vampires, ogres, etc.---you can buy them at the nearest Walmart!

Mga reklamo ng mga patay:

Namamahinga ako rito, ang ingay-ingay ng mga tao sa labas. Nagsasaya, nag-iinuman, nagpipiknik, nagchi-chismisan. Sabi nila, binibisita raw ako bilang paggunita at pagbibigay galang sa patay. Iyan ang sabi nila.

Ilang linggo na akong patay, hanggang ngayon tuloy pa rin ang burol ko---eto nga nang-aamoy na ako, at hindi lang ang kili-kili ko, wala pa rin tigil ang paglalamay. Kaya pala, pinaarkila ng mabait kong asawa ang aking bangkay para makapagsakla o mahjong. Iyong barangay captain, gabi-gabing dumadaan sa kani-kaninong bahay para kunin ang kickback niya. Ano kaya, pinaligpit na lang ako para may pagkakakitahan ang waswit ko?

Ang buong akala ko mahal ako ng asawa ko. Nung naghihinalo pa lang ako, dumating na ang taga-punerarya at pinagsusukat na ang katawan ko. Alam ko hindi naman kagrabe ang sakit ko, pero pinagbilin ng asawa ko sa enbalsamador na punuin na ng formalin ang bangkay para tumagal na nakaburol. Di bale na sana, pero bigla akong gumising sa burol ko---hindi pa pala ako patay, pero huli na. Binalsamo ako kaagad, kaya nang paggising ko wala na pala akong lamang-loob. Natuluyan ako sa pagkabigla.

Ang mga naiwanan ko sa buhay na humahagulgol sa ospital nangg mamatay na ako ay nagpapatayan dahil sa kaunting pag-aari ko---ang bahay ko, ang bank account ko, ang mga luma kong damit at brief, pinagaawayan nila. Namatay kasi akong intestate (walang last will and testament). Isang malaking leksyon ito para sa akin. Matagal pa bago ka mamatay, lagyan mo na ng mga label ang mga gamit mong gusto mong mapunta sa kung kani-kanino. Ang problema ay walang gustong managot sa mga utang ko!

Ang asawa ko, kitang-kita ko habang pinapanood ang libing ko---iyak nang iyak na tila palabas sa telenobela, humahagulgol na sinasambit noong binababa na ang ataol ko, "Pedring, Pedring, sasasama ako, sasama ako..., sa libingan mo, sasama ako!" Pero nang itinutulak siya, pasigaw niyang sinabi, "Bakit ba ninyo ako tinutulak?" Sabi ko na nga ba, ubod ng hipokrita!FAMAS award ang kailangan niya.

Ang asawa kong si Tonying, akala mo mapagmahal, at tutuong naghihinagpis nung pumanaw ako. Noong karga-karga ang aking kabaong papunta sa huling hantungan, nagkataong nabundol sa isang sulok, nagulat ako at biglang gumising. Buti na lang at hindi ako nakabalsamo---at nabuhay pa nang mga ilang taon pa. Pero namatay din ako bandang huli---tunay na panghihinayang ng asawa ko. Noong ililibing ako ulit, pangalawang beses na, naroon si Tonying sa likuran ng ataol, minamatyagan ang mga kumakarga at pabulong na tila nagbibilin, "Kaunting ingat lang, huwag ninyo na sanang ibundol pa ulit..., ingat..., ingat..., oops!"

Sino ba ang mag-aakala, ang gandang lalaki ko noong kasikatan ko. Ngayon pulbos na lang ako, salamat sa aking asawa. Nasa garapon ang aking mga abo, kasing dami lang ng harina kapag gumagawa ng biibingka. Wala naman akong bilin na ipa-cremate ako, pero matigas ang ulo niya. Nagtitinda kasi ng barbeque ang misis ko at mahilig sa pagpapaapoy. Sabi niya, mas mabuti raw ang walang nang binibisita kapag Undas---maiiwasan ang traffic, pagpipinta ng puntod, at pagtitirik ng kandila. Kapag bumaha, wala na raw siyang ikinababahalang lumubog o i-agos and bangkay ko. Tama rin siya, hindi kasi ako marunong lumangoy.

Masayang Undas sa inyong lahat!


[About the author. Wilfrido David is a resident of Albuquerque, New Mexico since 1985. He is an avid news consumer, habitually tuned to global TV via satellite. In turn, he occasionally comes up with spiced up essays and anecdotes liberally sprinkled with his wry humor, at times irreverent, oftentimes as corny as corn-on-the-cob, but nontheless thought provoking. He thinks of himself as a "junior senior," a mature gentleman with very active brain cells but a waning testosterone count. He is an American citizen by necessity, not by choice, as he so aptly put it. He is as Kapampangan as sisig, no more, no less.]

-Posted: 1:06 PM 12/19/11 | More of this author on eK!
backBack|top|Nextnext