eK! is electronic Kabalen, a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

wilfrido david
wilfrido david MAHAL KONG SUSAN,

Huwag ka sanang magulat, mahal ko. Pinayagan akong makasulat sa iyo ni San Pedro via email dahil sa matinding pakikiramay niya sa nangyari sa akin. (Oo, konektado din sila dito sa Facebook at Twitter.)

Narito ako sa langit nanahimik, ngunit biglang nasindak nung makita ko sa satellite TV (Oo, mayroon kaming direct TV dito para hindi kami mainip) ang tungkol sa paglalantad ni Lintang Bedol para isiwalat ang pandarayang naganap noong halalan ng 2004. Alam na ng lahat ang katotohanan, pero sadyang makapangyarihan ang aking kalaban. Pati ang hukbong sandatahan ay hawak niya, pati na rin ang mga opisiyales at mga iba pang alipores. Kaya eto, inatake ako sa puso! Wala na tayong magagawa tungkol sa bagay na iyan. Kung sa bagay, kasalanan ko rin naman—nakikipag-inuman ako nung mangyari ito.

Tahimik dito sa langit. Walang usap-usapan tungkol sa kung sinu-sino, walang pakialaman. Pero napapanood ko ang lahat ng nagaganap diyan sa showbiz, pati na rin ang mga reruns ng aking mga lumang pelikula. Nakakasawa rin pala! Hindi ako pwedeng magsuot ng cowboy getup dahil ang regulation wear ay puti (pero pwede na rin kahit off-white o dirty-white). Nakakainis, ang daming house rules dito: walang cellphone, iisa lamang ang landline (in our case, heaven-line), walang shades (sunglasses) para malaman kung sino ang tumitingin sa mga sexing santa. (Mayroon ba noon?) Ang pinagtataka ko, marami akong nakikita na mga pari na may akay-akay na mga batang poging lalaki? Nakita ko na rin dito si ex-President Marcos—tahimik, tila nawawala, nakasuot ng gray-white na may gold sequins. Akala ko ba, walang mayaman o mahirap dito?

Tama na ang kuwento-kuwento.

Ang hindi ko lubusang matanggap ay ang mga pinaggagagawa ng bansot na iyan—ang liit-liit, pero napakatuso. Biruhin mo, nakatira sa Malacañang, na dapat sana tayo? Anim na taong "extention," ano ang itatawag natin sa kanya: peke, impostor, overstaying tenant, kulimbatera?

Kung hindi ako namatay, tayo na sana ang may wang-wang na nakasakay sa mahabang kotse. Ano nga ang tawag doon? Di bale na! Sayang, pangako ko pa naman sa mga kaibigang kong ekstra sa mga pelikula ko—yung mga pinagsusuntok ko ng rapid fire, a la Manny Pacquiao, at sangkatutak na kalaban na napatay ko sa pamamagitan lamang ng dalawang calibre kwarenta y singko, na gawin kong bodyguard o security detail. Nangamatay na sila lahat sa pakikipag-inuman.

Ako ang nanalong presidente at ikaw ang dapat na naging First Lady. Nanggigigil ako dahil sana ang ako nakapag-pardon kay Erap (isa sa mga pangako ko sa kanya). Nangako ako sa kanya na magtatayo ng sariling housing para sa mga "asawa" niya at bibigyan pa ng non-support pension. Umaasa pa naman ang mahihirap, lalo na ang mga squatter, na bibigyan ko sila ng libreng bigas (kung nandiyan ang press corps na may dalang camera at newscaster). Sayang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na patibayan sa mga mamamayan na iba akong mamuno. "Walang kumpare, walang kaibigan!?" Ano, mayroon ng nakapagsabi niyan? Sino?

Hindi ko na pahahabain ang sulat ko. Alam mo naman na hindi ako masyadong marunong magsalita o magsulat sa Ingles. Salamat naman at minabuti ni Pangulong Noynoy na isaysay niya ang SONA niya sa ating Pambansang Wika. Pero mayroon pa rin na hindi naintintihan ang mga sinabi niya. Dahil ba sanay sila sa Ingles o nagbibingihan o ayaw talagang makinig? Ayaw ko na yatang maging presidente.

Paalam, Susan. Huwag ka na sanang makipag-boyfriend. Kundi naman—mamili ka ng mabuti, suriin mo, tiyakin mo na walang relasyon sa mga Arroyos, ha, ne? Maghihintay ako hanggang sa dulo ng walang hanggan.

Kung may problema ka, email mo lang ako sa stpeter@yahoo.com O sa Facebook o Twitter.


[About the author. Wilfrido David is a resident of Albuquerque, New Mexico since 1985. He is an avid news consumer, habitually tuned to global TV via satellite. In turn, he occasionally comes up with spiced up essays and anecdotes liberally sprinkled with his wry humor, at times irreverent, oftentimes as corny as corn-on-the-cob, but nontheless thought provoking. He thinks of himself as a "junior senior," a mature gentleman with very active brain cells but a waning testosterone count. He is an American citizen by necessity, not by choice, as he so aptly put it. He is as Kapampangan as sisig, no more, no less.]

-Posted: 11:25 AM 8/12/11 | More of this author on eK!
backBack|top|Nextnext