eK! is electronic Kabalen, a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

marcial tayag caniones
marcial tayag caniones ITO AY alay para sa mga Pilipinong masisipag, tapat at may malinis na hangarin, na nakalimutan dahil kina Jessica, Lady Gaga, at Corona.

*

Tay,

Napasulat ako kahit alam kong pagod at busy ka diyan sa Nigeria.

Pasukan na po kasi, ayaw ko man sanang sumulat ngunit naaawa po ako kay Pat-Pat. Narinig ko po kasi nang hindi sinasadya na nabanggit po ni Inay kay Tita Mely na pahihintuin muna po siya sa pag-aaral. Nung huli po kayong umuwi, si Pat-Pat ay Grade 3. Second year high school na po siya ngayon.

Tay, yung pinapadala mo para sa akin, bawasan mo na lang. Kaya ko pung mag-working student. Gaya mo po, Tay, kaya ko ring magtapos ng pag-aaral kahit po nagtatrabaho. Tulad ninyo, Tay, natapos ka ng draftsman habang nagpapasada ng jeep sa gabi at sinasamahan si Lola Puring sa paglalako ng suman sa Tutuban tuwing Sabado.

Lahat po nyan ay nakwento ni Lola Puring sa akin nang naka-smile, habang naluluha at may halung pagmamalaki.

Sana po ay huwag kang magalit kay Inay sa kanyang balak. Kulang po talaga kasi ang budget, Tay. Ako po kasi ang namamalengke at ako rin po ang tagabayad ni Nay ng kuryente at tubig.

Tay, hindi ko naman po sinasabi na kulang ang inyong pinapadala. Sadyang mataas po ngayon ang mga bilihin, lalung-lalo na sa mga gastusin sa school, ang dami-dami pong mga project, hindi rin po pweding hindi sumama sa mga field trips dahil requirement po at kasama sa pagbibigay ng grades.

Bukas nga pala po ay mag-aaply ako dito sa maliit na karinderya na itinayo nila Aling Fely. Yung lumang bahay po nila, binubungan po ang kanilang garahe, at nagpadala ng pera ang anak niyang si Tessie na nagtatrabaho sa Japan upang gamitin niyang puhunan. Malaking tulong po sa akin ito, Tay, marami po akong matututunan at makakapag-ipon.

Pakisabi na lang po kay Nay na huwag pahintuin sa pag-aaral si Pat-Pat. Sayang kasi, Tay, ilang taon na lang matatapos na siya.

Sa iyo lang nakikinig si Nay, kaya ikaw na lang ang magsabi sa kanya at sana huwag mo po siyang pagalitan. Gusto lang ni Inay na hindi magsasabay-sabay ang mga gastusin.

Medyo humina na rin po kasi ang parlor ni Nay dahil nagbukas sa malapit sa simbahan ang Ricky Reyes Salon. Nasabi nga niya na kung sakali, baka mag-apply na lang siya doon dahil ang ibang suki niya sa home service ay doon na rin pumupunta, dahil naka-aircon na, may mga magazine at wide screen TV pa.

Tay, ingat po kayo dyan.

Ok lang kami dito. Ang mahalaga po ay makapagpatuloy si Pat-Pat.

Tutulong po ako, Tay.

Kayo na ang magsabi kay Inay.

Mahal na mahal at miss po namin kayo.

Lubos na nagmamahal,

Kristel

P.S. Tay, dahan-dahan lang po sa inom. Alam kong malungkot dyan, kaso baka bumigay ang iyong atay.

Huwag kang mag-alala, Tay, ga-graduate ako ng Nursing Aide


[About the author. Marcial Tayag Caniones, a Political Science graduate is assistant manager at the Community Extension Services Office of Clark Development Corporation. He was born on the 10th of July in 1965, became vegetarian when he was 24 years old, started serious reading when he was 32, and began writing at 39. He admits to being ugly but claims to ooze with sex appeal.]

-Posted: 1:44 AM 5/24/12 | More of this author on eK!
Nextnext