eK! is electronic Kabalen, a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

marcial tayag caniones
marcial tayag caniones UMALIS SIYA noong grade 3 pa lang ako. Siksikan kami noon sa Sarao, siya ang nasa harapan ng jeep, katabi niya ang kanyang malaking bag na itim habang sakbit ang maong niyang jacket.

Sa biyaheng 'yon, kulang sa kanya ang isang paketing Winston sa halos walang tigil niyang paghitit-buga, at buti na lang di naubusan ng fluid ang kanyang Zippo, kundi kitang-kita ang kanyang inis at irita.

Ni halos di magulo ng malakas na hangin ang kanyang buhok sa kapal ng nilagay niyang pamada.

Halos kaming mga bata noon ay inaantok, papikit-pikit ang mga mata, ninanamnam ang malakas na hampas ng mainit-init na hangin sa aming mukha, at minsan ay linalabas ang mga kamay upang harangin sa aming mga palad ang sumasalubong na hanging pa tikwas-tiwas na parang alon ang hampas.

Ang bundok ng Arayat ay tila sumusunod sa aming paningin, napakabagal ang pag-iba ng kanyang anyo, parang isang drowing na dahan-dahang nagpapalit ng hugis.

Si Aling Ising ang taga-abot ng mga suman sa amin habang bumabiyahe. Kapitbahay namin siya, madalas siya rin ang aming labandera, tagaplantsa, at tagaluto lalo na tuwing pista. Matalik na kaibigan siya ni Inay.

Naramdaman kong nagutom nang biglang bumuka ang takip ng kaldero ng baon naming adobo. Amoy na amoy ko, nakakapaglaway, kaso bilin ni Inay sa roxas bloulevard na kami kakain. Marami pa rin naman ang suman at pandecoco, may pandesal at itlog rin pa pala.

Halos walang kumikibo sa aking mga tiyahin at mga tiyuhin. Iniisip ko nga kung ano'ng iniisip nila, kaso... di ko maisip.

Kasi sa halip na masaya sila, dahil makakapunta kami ng Maynila, ay tila malungkot at ang lalim ng nasa kalooban nila.

Lalo na si Inay, kung tumawa tipid. Dati ang kanyang mga halakhak ay dinig sa buong barangay. Mahilig kasi siyang magpatawa at tumawa. Mahilig din siya sa madyong.

Si 'Tay parang nanigas na yata sa harapan ng jeep. Kahit pa gabi na, nakasuot pa rin ang kanyang RayBan na nanghaharang sa kanyang mga mata. Wala siyang kibo, puro "Ooo... ooo..." lang ang kanyang sinasabi tuwing nag-o-overtake si James, ang inarkila naming drayber.

Masaya ako nang makita ko ang mga kutitap ng mga ilaw na nakikipag-agawan sa liwanag ng kulimlim na sinag ng takipsilim.

Sa wakas... Umabot na kami ng Maynila.

Nakita ko si Bonifacio habang paikot kami sa kanto, mga naglalakihan at matutulin na bus, mga kariton na sunud-sunod na tulak-tulak ng mga batang 'sing laki ko, mga dambuhalang karatula ng Darigold condensed milk, si Vilma na napakaputi ng mukha, si Ramon Zamora hawak ang Mirinda na may pulp bits pa!

Nahihiya akong magsabi kay Inay na sa Cubao na lang kami kumain para masilayan ko man lang ang C.O.D. Wala kasi si Itay noong nakaraang pasko kaya hindi kami natuloy sa panunood ng mga gumagalaw na mga istatwa.

Si Itay, aalis na naman. Gaya ng dati, hahatid na naman. 'Katapos ng ilang taon, susunduin na naman.

Hanggang ako ay nag-high school. Tulad ng dati, hatid-sundo lang. Pagkalipas na naman ng ilang taon, .... Sa dalas nito at sa aking pagkalito, pakiramdam ko parang taon-taon.

Nakilala ko si 'Tay sa Sarao---tahimik, walang imik, puro hitit, buhok laging dikit.

[Itutuloy]


[About the author. Marcial Tayag Caniones, a Political Science graduate, is assistant manager at the Community Extension Services Office of Clark Development Corporation. He was born on the 10th of July, 42 years ago, became vegetarian 18 years ago, started serious reading 10 years ago, and began writing three years ago. He admits to being ugly but claims to ooze with sex appeal.]

-Posted: 1:02 PM 7/25/09 | More of this author on eK!
Nextnext