eK! is electronic Kabalen, a web-exclusive Kapampangan journal of ideas

marcial tayag caniones
marcial tayag caniones EWAN KO ba kung bakit nababalot ng kalungkutan si Itay nitong mga nakaraang linggo. Hindi gaya ng dati, umaga palang inaayos na niya ang kanyang mga dadalhing pamalit-damit, isang paborito niyang puting t-shirt—laging bilin niya sa nanay ko, sumisipsip daw kasi ito ng pawis.

Dati, 5:30 pa lang ng umaga naliligo na si Itay. Alas-6, magkakape na. Kung may noodles, mabilis niya itong pinapalaman sa pandesal—dito sa amin tatlo piso bawat isa, kaso maliliit, eksakto lamang sa mabilis at malaking bukang lamon ni 'Tay. 'Yun lang sapat na sa kanya. Pagkatapos mabilis ang punas niya sa kanyang bibig, tatlong lagok sa kalahating tasang kape, at yun, parang kidlat, nakaalis na.

Kumpleto ang iniiwan niyang baon sa aming magkapatid. 'Tig limang piso kami ni Junar araw-araw. Buti na lang di naninigarilyo si Itay at nakakatipid din siya. 'Di tulad ni Tiyo Jun, na katrabaho niya, na laging hitit-buga.

Kanina, bumangon siya ng mga alas-6. Isang tasang kape ang kanyang ininom at mukhang walang balak mag-almusal, di tulad ng dati. Maaga akong nagising, nagsiga ng kahoy at nagluto. Tulad din ng dati, nilagyan ko nang isang binating itlog ang Maggi. 'Yung tirang longganisa kagabi ay ibinabaw ko sa ini-in-ing kanin kasama ang apat na kamatis.

'Katapos kong magluto, hinain ko ang umuusok na noodles at sinabihan ko siya na kumain, pero mukhang ayaw niya itong galawin. Nakatunganga siyang napakalayo sa bintana habang pabaluktot na nakataas ang isa niya paa, ginawa niyang itong patungan ng kanyan siko hawak ang kape.

Ayaw ko siyang tanungin kung papasok siya o hindi, kasi kagabi, habang pabulong silang nag-uusap ni Inay sa kwarto, narinig kung humihikbi si Inay habang sinusubuan ko ng pagkain si Junar sa papag.

Astang paalis naman si Itay nung umagang iyon, kaso nga lang parang hindi papuntang trabaho. Una kasi, huli na siya, pangalawa, hindi nilabhan ni Inay ang paborito niyang t-shirt na puti kagabi.

Palabas sana akong magwawalis ng biglang may kumatok... Si Tiyo Jun pala, kasamahan ni Itay sa trabaho. Ako ang nagbukas ng pinto at sabay pahaplos na ginulo ni Tiyo Jun ang buhok ko sabay kurot sa aking pisngi. "Tatay mo?" a niya. Binuksan ni Itay ang nakapanpang kurtinang tabing. "Anung balita? Kape ka muna," ani 'Tay.

Duon ko nalaman ang buong kwento kung bakit malungkot si Itay. Nakasilip si 'Nay nang paupo sa lapag sa kuarto habang hinehele pa si Junar nang mag-usap sina Tiyo Jun at Itay.

Kusa akong lumabas at dahan-dahang nagwalis sa aming bakuran na malapit sa dingding upang patago kong marinig ang kanilang pag-uusap.

"May desisyon na sila, pare—20 tayong tinanggal, lahat tayong pumirma at nag-complain" sabi ni Tiyo Jun. "Putang ina!" biglang pasigaw ni Itay. "Buntis pa naman si Ateng, isang buwan na lang pasukan na rin ng iaanak mo," ani Itay.

Tuluy-tuloy lang akong nagwalis. Hindi ko napapansin ay padiin na nang padiin sa lupa ang mga tingting. Unti-unti rin akong napapaluha. Parang hindi na ako makagalaw at ulit-ulit ko lang winawalis ang maalikabok na lupa sa aking harapan.

Biglang tumambad sa aking isipan ang nangyari noong nakaraang taon, nawalan din siya ng trabaho, lagi silang nag-aaway ni Inay noon. Halos wala kaming maulam noon, ang kanin ay linulugaw ni Inay para magkasya sa aming apat. Sa aming bahay, mahalaga ang asin. Basta may kanin, mayroon kaming pangdildil.

Naramdaman kong parang gusto kong umalis at mamingwit ng palaka, o kaya ay manghuli ng mga gurami. Gusto kung tumakbo.. lumayo, basta lang... makalibot... makalimot.

Hindi ko mapigilan ang aking pagluha.

Mga alaala ni Itay na papasok sa trabaho ang muling tumambad sa aking isipan.

Naka-gel ang buhok, sakbit sa balikat ang itim na "backpack" na may lulan ng baong pagkain at ng kanyang paboritong puting t-shirt.

'Di man wari ni Itay, sabay kaming nakasulyap ni Inay sa bintana ng aming kuarto araw-araw, habang siya ay nag-aabang ng traysikel sa kanto tuwing papasok siya sa trabaho.

Siguro... sana... hindi pa ubos ang mga gurami sa sapa.

Sana ay makatyamba rin ako ng mga palaka.


[About the author. Marcial Tayag Caniones, a Political Science graduate, is assistant manager at the Community Extension Services Office of Clark Development Corporation. He was born on the 10th of July, 42 years ago, became vegetarian 18 years ago, started serious reading 10 years ago, and began writing three years ago. He admits to being ugly but claims to ooze with sex appeal.]

-Posted: 9:16 AM 12/22/08 | More of this author on eK!
Nextnext